Wedding ring

KATAPATAN sa kabiyak habang magkalayo, posible nga ba?

Puwedeng-puwede ayon kay Navie Veloria, life coach at psychologist ng NV Life Coach.

Kung isusuot lamang ng ating mga OFW ang kanilang mga wedding ring, magsisilbi itong palaging paalala sa kanila na manatiling tapat sa asawa habang nasa ibayong dagat.

Ngunit mukhang sinasadya pa nga yata ng ilan na talagang hubarin at huwag isuot ang kanilang wedding ring, lalo pa’t itinatago nila ang tunay nilang estado sa buhay. Mas madalas gawin ito ng mga kalalakihan kapag may natitipuhan na sila sa ibayong dagat.

Ang ilang mga misis naman natin, gayong may suot-suot na wedding ring, magpapakilala na lamang silang biyuda na rito sa Pilipinas, kung kursunada naman nilang maglaro at may kaisipan pa ngang hindi naman seryoso ang sandaling pakikipag-relasyon.

Hindi sana mangyayari ang ganitong mga situwasyon kung mananatiling tapat sa pangako ang bawat isa nang kanilang isinusuot ang wedding ring noong ikinakasal sila.

Kung sakaling walang wedding ring, maaari namang bumili ng singsing na hindi naman kamahalan. At kahit pagkagastusan pa, magsisilbi itong susi sa pagpapanatili sa matatag at matapat na pagsasama ng bawat mag-asawa.

Batay kaso

· AURORA MARTIN (Tiyahin ng tumakas na OFW sa Jeddah, KSA)

Marlyn Gianan (OFW)

Kaso: Nagtrabaho bilang household service worker noong Hulyo 2011. Tumakas sa amo dahil sa pagmamaltrato at walang sapat na pahinga. Matapos ma-ospital nanatili siya sa pangangalaga ng ating Konsulado sa Jeddah. Nais na lamang agad makauwi ng bansa.

Update: Agad ipinakipag-ugnayan ng Bantay OCW ang hinaing na ito sa ating POLO-OWWA sa Jeddah, KSA sa tanggapan ni Ass. Labor Attache Alejandro Inza Cruz. Matapos magpadala ng 15-day notice ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa kanyang ahensyang Prestige Search International Incorporated, nagpadala ng ticket ang kanyang ahensya para sa kanyang pag-uwi. Nakauwi ng bansa noong Mayo 22, 2012. Sa kasalukuyan, nais na lamang niyang ireklamo ang kanyang ahensya.

· MALOU DOMONDON (Pinsan ng OFW sa Al Qassim, KSA na nais ng umuwi)

Francis Calpe (OFW)

Kaso: Naaksidente noong Pebrero 18, 2012 araw ng kanyang pag-uwi ng bansa matapos ang kanyang kontrata. Tumuloy pansamantala sa kanyang kaibigan roon. Nais lamang makauwi agad ng bansa.

Update: Agad itong ipinakipag-ugnayan sa ating Philippine Embassy sa Riyadh, KSA upang mabigyan ng kinakailangang tulong hinggil sa medical na kanyang pangangailangan at sa mabilis nitong pag-uwi ng bansa. Agad namang nakipagtulungan dito ang kanyang ahensyang M R Internationa Agency, at nagpadala ng ticket upang makauwi siya. April 28, 2012 dumating ng bansa.

· ROY RIGUER (Asawa ng OFW sa Hong Kong na humihingi ng ligal na payo hinggil sa loan nito)

Dolores Remo (OFW)

Kaso: Umalis bilang household service worker patungong Hong Kong, nais mabigyan ng legal advice kung paano nila maaring mabayaran ang lumalaking tubo sa loan ni Dolores na ginamit niya sa pagpoproseso sa kanyang dokumento.

Update: Agad siyang nagtungo sa tanggapan ni Atty. Rosario Setias Reyes ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Aniya, pinayuhan siya nitong makipag-usap sa kanyang financing company na bigyan siya ng palugit.

Nagkaroon naman sila ng kasunduan na buwan-buwan itong huhulugan ng kanyang asawa sa kaya nitong halaga hanggang matapos ang kanyang bayarin.

oOo

Mapakikinggan si Susan K. sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am.

Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm,  GMA News TV Int., apat (4) na beses sa isang linggo Hotlines:  535-7209/881-9423/0920-968.4700. E-mail:  susankbantayocw@yahoo.com/ bantayocwfoundation@yahoo.com

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply