WHO: Misteryosong sakit sa Cambodia, konektado sa HFMD

KINUMPIRMA ng World Health Organization (WHO) na konektado sa nakamamatay na uri ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang misteryosong sakit sa Cambodia na pumatay na ng may 60 paslit simula lamang nitong Abril.

Kaugnay nito, inalerto ng Department of Health (DOH) at muling inatasan ang Bureau of Quarantine na lalo pang paigtingin ang screening na isinasagawa sa lahat ng dumarating na biyahero sa mga international airports bilang routine precaution kasunod na rin ng naturang respiratory-neurological syndrome.

Gayunman, sa kabila nito ay nananatili pa rin naman umanong walang ‘travel restriction’ na ipinatutupad ang pamahalaan papasok at palabas ng Cambodia.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, nakatanggap sila ng official report mula sa WHO na nagsasabing nakadiskubre sila ng presensiya ng Enterovirus 71 sa samples na nakolekta mula sa mga pasyente ng misteryosong sakit sa Cambodia.

Ang Enterovirus 71 ay konektado sa HFMD.

Nilinaw naman ng Kalihim na ang HFMD ay hindi dapat na maipagkamali sa Foot and Mouth disease (FMD) na sakit ng mga hayop.

Ang HFMD ay sakit na kalimitang nakakaapekto sa mga bata at kumakalat sa pamamagitan ng direct contact sa mga secretions tulad ng laway mula sa isang pasyente.

Mistula namang protektado sa sakit ang mga matatanda dahil sa posibleng early infection sa kanilang pagkabata.

Ayon sa DOH, malaking tulong laban sa pagkalat ng sakit ang malimit na paghuhugas ng kamay at istriktong personal hygiene.

Dahil ang HFMD ay viral, hindi rin umano makatutulong sa paggamot dito ang anumang antibiotic.

Sa ngayon,  wala pang lunas para sa HFMD kaya’t ang mga pasyente ay hinihikayat na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang posibleng dehydration dahil sa mataas na temperatura.

Dapat rin umanong kaagad na humingi ng payo sa doctor ang mga magulang sakaling kapitan ng mataas na lagnat, magsuka, manamlay at manghina ang kanilang mga anak.

Inatasan na rin naman ni Ona ang mga pagamutan na maging vigilante sa mga kahalintulad na kaso ng sakit bilang bahagi ng kanilang isinasagawang surveillance.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply