Wow mali naman yata si PNoy

TUWANG-TUWA si President Noynoy Aquino noong isang araw. Pinautang kasi ng China ang Pilipinas ng P5.2 billion para sa construction and completion of the La Mesa Dam project.

Utang yan na dapat bayaran ng Pilipinas, isang utang na hindi naman natin kailangan dahil ang dami namang puwedeng utangan. Isang utang na talaga naman nating hindi kailangan dahil limpak-limpak ang pera ng ating pamahalaan.

Kayo ba, kung kayo ba ay nilalapastangan ng iyong kapitbahay, uutangan mo ba yan?

Uutang ka ba sa kapitbahay mong inaangkin ang iyong bakuran? At hindi lamang pag-angkin ang ginawa ng kapitbahay mo; naglagay pa siya ng bahay-bahayan sa iyong bakuran. At naglagay pa siya ng mga security guard. Buwisit!

Pero pinautang ka ng iyong kapitbahay ng P5.2 billion kaya ikaw na sira ulong Pinoy ay hangang-hanga sa kapitbahay mo. Wow, bigat mo, pare. Sapat na bang makautang ng P5.2B bilang kapalit ng iyong dangal? Isang utang na babayaran mo til kingdom come?

Ipagpapalit mo lang ang iyong dangal kung ikaw ay kapit na sa patalim. Pero hindi naman tayo kapit sa patalim. Bagkus, tayo ay mukhang kapit tuko sa China, maski na yurakan nila tayo sa Spratlys.

Hindi tayo kapit-patalim. Noong isang linggo nga, nagyabang pa si PNoy na nag-donate tayo ng $2 billion (US dollars po iyan) sa International Monetary Fund (IMF), isang worldwide agency na wala nang ginawa kung hindi pahirapan tayo sa larangan ng pananalapi.

Walang ginawa ang IMF na ito kung hindi i-devalue ang ating peso, paramihin ang mga foreign bank sa Pilipinas at i-deregulate ang presyo ng langis.

Tayo ay nagbigay ng $2 billion sa naghihikahos daw na Europa samantalang ang mga dukha nating mga mamamayan ay ni hindi ma-kakain ng tatlong beses sa isang araw, hindi mai-enrol ang kanilang mga anak at ni wala pang pambli ng murang gamot na kontrolado ng mga dayuhan.

Wow, sabi ni PNoy. Sikat na ang Pinas. Nagpapautang na tayo ng $2 billion sa Europe. Wow, sabi uli ni PNoy, pinautang tayo ng mga kampon ni Limahong ng P5.2 billion. Pero, hindi ba wow mali na ito?

Ang gusto ko, wika ni PNoy sa China nang makautang tayo ng P5.2B, ay igalang naman ninyo ang aming sovereignty, ang aming kalayaan. Ang Kalayaan (Spratlys) group of islands ba ang kapalit ng P5.2B utang na ito?

Ano ba talaga ang kapalit ng perang ito? Simple lang. Puwede nang mangisda ang mga Chinese fishermen sa ating karagatan. Chinese fishermen lang, take note, mga kababayan.

Hindi puwedeng mangisda ang mga Pinoy.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply