1,000 araw pang pagluluksa sa Maguindanao massacre

MALUNGKOT man ang naganap sa buhay ni DILG Secretary Jesse Robredo at mga kasamahan niya, kahit papaano ay naririyan na ang katotohanan.

Hindi na kailangang mangapa ang lahat, kabilang na ang pamahalaan, sa kung ano ang naganap.

God bless at condolence po sa mga pamilya ng mga pumanaw na.

1,000 ARAW NG PAGLULUKSA

Naka-1,000 araw na tayo sa Maguindanao massacre na kinamatayan ng 58 katao, kabilang
na ang 32 na kapatid natin sa propesyong pamamahayag.

Ano na ang nagaganap sa paghahangad natin ng katarungan?

Mukhang tumigil na sa 76 suspek ang nadarakip sa nasa 200 kataong sangkot sa masaker.

Nangangahulugan na gumagala pa rin ang malaking bilang ng mga mamamatay tao.

At dinaragdagan ng mga murderer na ito ang bilang ng mga biktima gaya ng pagpatay sa tatlong malinaw na testigo sa kaso laban sa mga suspek.

Paano rin ang nasa 800 pang puwersa ng mga suspek dahil sa nasa 1,000 talaga umano ang bilang ng mga armadong tauhan ng mga pangunahing suspek?

Sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan ang mga suspek.

Tuloy-tuloy, mga Bro, ang pagluluksa.

MABAGAL NA KATARUNGAN

Totoo na sineryoso ng Korte Suprema ang pagdinig sa kaso.

At pinag-concentrate na lang ang huwes dito  sa kaso at inutusan siyang bitiwan ang iba pang mga kasong hawak niya.

Ginawa ang hukuman na special court para pabilisin ang pag-usad ng kaso.

Ngunit lumalabas pa rin ang sobrang kabagalan ng kaso.

Imadyinin na lang natin kung ano ang ibig sabihin ng pre-trial stage.

Tinitimbang-timbang pa kung may basehan ng pagkakaso sa mga arestadong suspek.

Inabot ng 1,000 araw ito.

Wala pang arraignment o pagbabasa ng sakdal.

Gaano naman kaya katagal ang pagbabasa ng kaso o arraignment sa lahat ng mga nasasakdal?

ANG PAGLILITIS

Paano rin ang paglilitis sakaling magkaroon na ng arraignment?

Gaano kaya katagal aabutin ang pagdinig o paglilitis sa kaso?

Sa dami ng mga suspek at testigo na kailangan laban at pabor sa mga suspek, gaano katagal kaya ang paglilitis?

Baka naman walang panama rito ang siyam-siyam na panahon?

Baka libo-libo at hindi siyam-siyam ang maghahari rito?

5 TAONG PAGLILITIS

Sa obserbasyon natin, mga Bro, sa kasong patayan na homicide o murder, umaabot ito sa limang taon sa Regional Trial Court lamang.

Pero ito’y sa gitna ng paghawak o pagdinig ng huwes ng iba pang mga kaso bukod sa mga kriminal.

Gaano naman kaya magtatagal sa RTC ang kaso?

Sa takbo ng kaso ngayon, baka patay na ang huwes at piskal sa katandaan, kasama na ang mga suspek  at complainant, eh ‘di pa tapos ang kaso!

Huwag naman po sana.

Sapagkat totoo namang “justice delayed” ay “justice denied.”

KASO SA CA AT KORTE SUPREMA

Matapos ang kaso sa RTC, tiyak na aakyat ito sa Supreme Court.

Pero may sisingit-singit pang ibang puntos na kailangang daraan sa Court of Appeals.

Paano kung aabutin ang kaso ng 20-40 taon sa CA at SC?

Binabanggit natin ito batay sa karanasan natin sa Vizconde massacre na umabot ng 20 taon ang kaso bago nagkaroon ng pinal na desisyon mula sa SC.

Eh, kung humigit pa, ano lang ang katarungan na makakamit ng mga biktima?

Ang mas matindi ay kung madi-dismiss ang kaso dahil bibihira ang pagkakabaligtad ng ganitong desisyon ng hukuman.

Sa isang iglap ay lalaya ang mga suspek. Nakatatakot yan, sa totoo lang.

DUE PROCESS IGALANG

Naiintindihan natin, mga Bro, ang pagiging maingat ng huwes sa paghawak at pagdinig sa kaso.

Pinaiiral niya ang procedural at substantial due process.

Nagiging matapat ang huwes sa pagsunod sa mga patakaran sa paglilitis.

At nagiging maingat sa pagtimbang sa lahat ng mga testimonya at iba pang ebidensiya na ipiniprisinta ng magkabilang panig.

At naging maingat din ito sa paglalapat ng mga karampatang batas sa kaso ng bawat indibiduwal na nasasakdal.

Ngunit ang lahat ng ito ay napakabagal.

At habang lumilipas ang panahon, baka lalong babagal pa ang paglalakad ng katarungan.

Inaalala kasi natin ang posibleng pagkaubos ng mga testigo at iba pang ebidensya habang nagtatagal ang kaso.

Iniisip din natin ang posibilidad na pagtalikod ng ilang complainant dahil sa matinding pangangailangan at takot.

Sana po hindi maganap ang lahat ng ito.

KARMA SANA’Y SASAMA SA KASO

Sana hindi lamang tadhana ang iiral dito.

Sana pati karma ay sasama sa pagdedesisyon.

Ang mga maysala, kabilang na ang mga nagpapabagal ng kaso at mga nagliligaw ng kaso palayo sa katarungan ay makakarma.

Tatanggapin natin ang mangyayari, anoman yan.

O baka naman kailangan pa ang dasal, ang isang oracio imperata rito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply