2,000 pamilya inilikas sa San Mateo, Montalban

RIZAL — Tinatayang nasa 2,000 pamilya ang inilikas sa ligtas na lugar dahil sa pangambang manganib ang buhay sa paglubog ng kani-kanilang bahay dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan sa bayan ng San Mateo at Rodriguez (Montalban).

Ayon kay Ricky Gomez, Municipal Administrator ng San Mateo, sinimulan nila ang paglilikas dakong alas-10:00 kagabi at hanggang ngayon ay patuloy ang kanilang isinasagawang paglilikas sa mga pamilya na nasa delikadong lugar.

Nabatid pa sa ulat na sa Barangay Sta. Ana ay nasa 150 hanggang 160 pamilya ang lumikas patungong San Mateo Elementary School habang 100 pamilya ang nasa covered court ng barangay.

Ginamit ding evacuation center ang Doña Pepeng covered court sa 565 pamilya o 2,297 indibidwal na nagboluntaryong manatili sa ligtas na lugar.

Kasabay nito, anim na Evacuation Center naman ang binuksan para sa mga lumikas na residente mula sa bayan ng Rodriguez.

Sa Brgy. Burgos ay bukas na ang Aranzasu covered court at Burgos Elementary School para sa mga nais lumikas na residente.

Ginawa din evacuation center ang covered court sa Brgy. Manggahan at maging ang plaza ng Barangay Rosario ay binuksan na rin para sa mga evacuees.

Maging ang Munting Ilaw Building at San Jose Elementary School sa Barangay San Jose ay ginamit na ring pansamantalang e vacuation center habang hindi pa bumababa ang hanggang bewang na tubig baha.

Sa kabuuan ay 1,466 pamilya o higit 7,330 indibidwal ang nasa iba’t ibang evacuation center sa bayan ng Rodriguez.

Kumikilos na ang pamahalaang lalawigan ng Rizal para pamamahagi ng mga relief goods sa mga nasalanta ng matinding pagbaha.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply