2 paslit inabandona ng ina sa palengke sa Parañaque City

NASA ilalim na ngayon ng pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Paranaque City ang dalawang bata na inabandona ng kanilang ina sa SLEX Bicutan Public Market, Parañaque City, ayon sa ulat ng RPSB NCRPO Alpha Company.

Hinihinalang magkapatid ang dalawang bata na tinatayang nasa edad 2-taon ang panganay na lalaki habang nasa 11-buwan naman ang edad ng bunso nitong kapatid na babae na inabandona noong Hulyo 31, 2012 sa kasagsagan na malakas ng ulan dulot ng bagyong Gener.

Sa ulat, napag-alaman mula sa isang Security Guard na nagngangalang Gildeon G. Lucendo, nakatalaga sa naturang pamilihang bayan na dakong 9:30 ng gabi sa kasagsagan ng bagyong ‘Gener’ ng lumapit ang isang ginang na mabilis lumisan matapos na ihabilin nito sa kanya ang kalagayan ng dalawang bata.

“Bahala ka na sa mga anak ko utang na loob, hindi ko sila kayang buhayin,” anang ina ng dalawang bata sa security guard.

Sa pangamba na magkaroon ng mabigat na responsibilidad, nagpasya si Lucendo na dalhin ang dalawang musmos sa himpilan ng RPSB NCRPO Alpha Company na gumawa naman ng agarang hakbang upang makipag-ugnayan ang mga ito sa Police Community Precinct 3 ng Parañaque City.

Sa pamamagitan ng PCP3 naihatid ang dalawang bata sa ilalim ng pangangalaga ng DSWD ng San Martin De Porres ng naturang lungsod.

Gumagawa ng hakbang ang mga awtoridad na makilala ang ina ng mga batang nag-abandona sa mga ito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply