2 patay, 18 bayan lubog sa baha sa Laguna

NAMATAY ang dalawang residente nang nalunod habang 18 bayan naman sa Laguna ang nalubog sa baha dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng hanging Habagat.

Batay sa pahayag ni Governor Jeorge “ER” Ejercito nagpapatuloy ang nararanasang pag-ulan nitong mga nakalipas na araw at dalawa na kanilang naitalang namatay dahil sa pagkalunod sa Alaminos at Pila, at tatlo pa ang nabagsakan ng puno.

Kabilang naman sa 18 bayan ang naapektuhan ng pagbaha sa mga lugar sa malapit sa Laguna Lake tulad ng San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, Calamba, Los Baños, Vistoria, Pila at Mabitac.

Nabatid na kagabi pa kinansela na ang klase sa lahat ng antas sa Laguna dahil sa pagtaas ng tubig-baha at tuluyang pag-apaw ng Laguna Lake at 27 water tributaries nito.

Ayon pa sa gobernador, simula kagabi ay nadagdagan na ang mga residenteng tumungo sa mga evacuation center sa eskwelahan at simbahan.

Nakanda na rin sa mga apektadong lugar ang mga rescue equipment kabilang na ang rescue boats para sagipin ang mga residenteng hindi na makalikas dahil sa taas ng tubig-baha.

Samantala patuloy na umiiikot ang nasa 5,000 volunteers para sa disaster preparedness and risk reduction management.

Ayon kay Gov. ER, handa naman sila sa masungit na panahon lalo’t ayaw na nilang maulit ang nangyari noong Bagyong Ondoy na umabot sa tatlo hanggang anim na buwan bago humupa ang baha.

50 patay kay ‘Gener’

Kaugnay, nito sumampa na sa 50 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa Bagyong Gener.

Sinabi ni NDRRMC Exec. Dir. Benito Ramos na isang Erwin Ramos ang nadagdag sa death toll ng Bagyong Gener.

At dahil sa walang tigil na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw tiniyak ni Ramos na palaging naka-alerto ang kanilang ahensya para tugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta ng kalamidad.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Ramos ang mga residente na sumunod kaagad sa mga lokal na opisyal na nakasasakop sa kanilang lugar lalo na kung iniutos na ang paglikas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply