3.4M maids makikinabang sa ratipikasyon ng ILO 189

AABOT sa mahigit 3.4 milyong Pilipinong kasambahay sa loob at labas ng bansa ang makikinabang sa ratipikasyon ng Senado sa International Labor Organization (ILO) Convention 189 o mas kilala sa Convention Concerning Decent Work For Domestic Workers’ noong Agosto 6.

Inihayag ito ngayon ni Sen. Loren Legarda, chairman ng Senate committee on foreign relations matapos isumite sa Palasyo ang kopya ng resolusyon sa niratipikahang ILO Convention 189.

“Natutuwa ako para sa ating mga kasambahay dahil magbibigay ng tamang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng kasambahay sa pagkaka-ratipika ng ILO 189 sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya,” diin ng senador.

Batay sa talaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), tumataas taun-taon ang pagpapadala ng Filipino domestic workers sa ibang bansa. Noong 2011, umabot sa 136,000 na newly-hired Filipino domestic workers ang nagtrabaho sa ibang bansa. Noon lamang lumampas sa 100,000 ang bilang ng mga Pilipinong kasambahay na nagtrabaho sa ibang bansa sa unang pagkakataon.

Ipinaliwanag ni Legarda na sa pamamagitan ng ILO Convention 189, mabibigyan ng gobyerno ng higit na proteksyon ang mga kasambahay sa loob at labas ng bansa.

“Ang ating mga kasambahay ay may sariling mga pangangailangan tulad ng mga pamilyang kailangan suportahan, mga kapatid na pinag-aaral. Tulad natin, nagtatrabaho din sila, ngunit karamihan sa kanila ay pinagkakaitan ng kanilang karapatan at hinahamak ang pagkatao. Ngunit sa pamamagitan ng ILO Convention 189, umaasa tayo na mawawakasan ang ganitong uri ng kawalan ng katarungan,” diin ng senador.

Ayon kay Legarda, kikilalanin na ang ating mga kasambahay bilang mga lehitimong manggagawa at hindi alipin.

Bukod pa aniya rito, mapagkakalooban pa ang mga ito nang maayos na kondisyon sa trabaho, sapat na suweldo at benepisyong ipinagkakaloob sa ibang manggagawa.

Nagbibigay ang nasabing kumbensiyon ng kalayaan sa kasambahay na mag-organisa tulad ng regular na manggagawa.

Ipinag-uutos nito na magkaroon ng batayan na kontrata, batayan na sahod at karagdagang benepisyo tulad ng sick leave para sa mga kasamabahay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply