3 libong iskolar ng Batangas tumanggap ng allowance

NAIPAMAHAGI na sa may 1,680 high school at 1,455 EBD (Eduardo B. Dimacuha) college scholars ang kanilang allowance para sa unang semestre ng taong ito sa Batangas City.

Ang bawat college scholar ay may scholarship grant na P8,000 kung saan P5,000 dito ay nauna nang ibinigay sa mga paaralan bilang tuition fee habang ang mga high school scholars ay P3,000 ang kabuuang allowance.

Hangad ni Mayor Vilma Abaya-Dimacuha na makatulong ang halaga para sa mga gamit sa eskwelahan at makabawas sa gastusin ng mga magulang.

Kaugnay nito, hiniling ni Dimacuha sa mga iskolar na pagbutihin nila ang kanilang pag-aaral upang maabot ang kanilang mga pangarap. Tiniyak din nito ang patuloy na suporta ng kanyang administrasyon sa edukasyon ng mga kabataan sa lungsod.

Sinabi ni Dimacuha na naglaan ang pamahalaang lungsod ng P33-milyon para sa scholarship program sa taong 2012-2013.

Samantala, lubos ang pasasalamat ni Tania Arellano, 4th year Bachelor of Science in Industrial Engineering student ng Batangas State University (BSU) kay Mayor Vilma Abaya-Dimacuha dahil sa malaking tulong nito sa kanyang pag-aaral at gayundin sa kanyang pamilya.

Pagbubutihin naman ni Ruby Aguilar, 1st year Bachelor of Science in Information Technology student ng BSU, ang kanyang pag-aaral sapagkat malaking tulong sa kanyang magulang na siya ay EBD scholar.

Ang hakbang na ito ng pamahalaang panglunsod ay bilang tugon sa agenda ng administrasyong Aquino na maitaas ang antas at kalidad ng edukasyon sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply