3 o’clock habit sa BOC, pinabubuwag kay Biazon

HINAMON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na buwagin ang 3 o’clock habit tuwing Biyernes sa Aduana upang tuluyan nang masabi na nagkakaroon ng reporma sa ahensiya laban sa katiwalian.

Ayon kay Lacson sa ginanap na Kapihan sa Senado, kung hindi mawawala ang 3 o’clock habit tuwing Biyernes sa BOc na ipinamamahagi ng tiwaling opisyal ang kanilang nakulimbat sa loob ng isang linggo, hindi mawawala ang smuggling sa bansa.

Sinabi rin ni Lacson na hanggang ngayon, kahit pa nagpapatupad ng reporma si Biazon sa BOC, nananatiling talamak ang corruption sa Aduana dahil hindi pa nabubuwag ang 3 o’clock habit tuwing Biyernes  sa ahensiya.

“Meron pa hanggang ngayon. Di ko alam bakit di mawala-wala yan. Noong panahon ni Commissioner Alvarez isa sa tinanong ko tungkol diyan. Si Commissoner (Ruffy) Biazon di ko makausap tungkol diyan pero mismong si Comm. Alvarez sinabi niya he was trying to brief me on the reforms he was instituting in BOC. When I asked him that particular question, na kung may reporma masasabi mo ba nahinto ang 3 p.m. habit sabi niya di pa, so wala pang reporma,” aniya.

Sinabi ni Lacson na tuwing Biyernes sa BOC, dakong alas tres ng hapon, nagtitipon-tipon ang mga tiwaling empleyado at opisyal ng BOC sa Customs area upang pagpartehan ang nakulimbat sa loob ng isang linggo na umaabot sa milyong halaga.

Sinabi pa ni Lacson na alinsunod sa ranggo ang halaga ng distribusyon na umaabot hanggang sa tanggapan ng komisyunado.

Naniniwala naman si Lacson na ginagawa ni Biazon ang lahat ng kakayahan nito upang makaiwas sa corruption kaya’t pinayuhan ng senador ang opisyal na magkaroon ng balanseng pagkilos sa BOC upang hindi maisakripisyo ang koleksiyon ng buwis.

“I know he’s trying his best pero kung di ka galing sa loob sa umpisa susubukin ka doon at saka paiikutin ka lalo ng antigo na roon. Ang problema ng BOC commissioner kung sobra higpit, kung shock and awe inabutan ng tao mo baka mag-suffer ang collection. Dapat magbalanse siya,” aniya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply