34th Jones Cup: Tiyaga lang

DALAWANG panalo na lang at makakamit na ng Smart Gilas Pilipinas ang titulo sa nagaganap na 34th William Jones Cup International Men’s Basketball Tournament sa TPEC Gymnasium sa Tienmu, Chinese Taipei.

Nakapuwersa ng three-way tie sa top spot ang PHL team ng bulagain nila ang erstwhile solo leader defending champion Iran, 77-75 kahapon.

Paniguradong mag-uuwi ng karangalan ang Smart Gilas II kapag tinalo nila mamayang alas-siete ng gabi ang Chinese Taipei A at USA bukas.

Kasalo ng Pinoy cagers ang Iran at USA na tinalo ang Jordan, 77-66 sa liderato na may tig-5-1 win-loss card.

Bumawi ang Nationals matapos matalo dahil sa matamlay nilang laro laban sa Lebanon, 72-91 kamakalawa.

Kumayod ng husto si Marcus Douthit (22 pts. At 10 rebounds) upang mabuhay ang tsansa ng Pilipinas II na makuha ang kampeonato.

Bumakas naman sina Gabe Norwood at Jeff Chan ng 17 puntos at 12 points ayon sa pagkakasunod para makipagdikdikan ang Nationals sa matatangkad na Iranians.

Tabla ang score sa first half (33-33) subalit nakalayo ang Pilipinas sa third canto, 58-49 nang magsimula silang umatake na ikinataranta ng Iranians.

Umabot pa sa 12 pts. ang nilamang ng Pilipinas mula sa three-pointer ni Gary David at salaksak ni Sol Mercado subalit naibaba ito ng Iran sa isang puntos, 76-75 may pitong segundo na lang ang natitirang oras.

Nabuhayan ang Iranians nang isablay ni Chan ang isa sa dalawang freethrows nito.

Ibinaba ni Mahdi Kamrani ang bola at saka pumukol ng tres kung saan ay walang pag-asang pumasok kaya naman nagsaya na ang buong PHL team.

Samantala, pag-asa na lang ng Iran na madepensahan ang kanilang titulo kung maipapanalo nila ang dalawang natitirang laro at disgrasyang matalo kahit isa ang Smart Gilas.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply