6 na holdaper nakuwelyuhan sa QC

NAKUWELYUHAN ng awtoridad ang lima sa anim na holdaper na itinuturing na tinik sa lalamunan ng mga pasahero ng public utility jeep (PUJ) sa Quezon City kaninang madaling araw.

Sinabi ni Police Supt. Norbeto Babagay, hepe ng Galas police station na positibong kinilala ng ilan sa kanilang biktima ang mga natiklong suspek na sina Jericho Huganas, 25; Ronnie Reyes, 27; Rocky Timonera, 31; Rey Llave, 35 at Cesar Ambion, 26 habang nakatakas naman ang isa sa kanila.

Naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kanto ng Araneta at Quezon Avenue sa Barangay Sto. Domingo.

Ayon sa mga biktimang sina Roel Baterna, 22; Marilyn Sierra, 35; David Alunan, 23 at Princess Lyka Escombo, bago ang insidente ay lulan sila sa isang Quiapo bound na pampasaherong jeep kasama ang anim na suspek.

Pagsapit anila sa lugar, naglabas ng mga kutsilyo ang mga suspek at hiningi ang kanilang pera, cellphones at alahas.

Nang makuha na ang pakay, tumalon sa dyip ang mga suspek at naglakad sa direksyon ng Barangay Tatalon.

Lingid sa mga suspek, nasaksihan pala ng mga nagpapatrulyang barangay watchmen ang komosyon at isa sa kanila ang nagpaputok ng warning shot kaya nagsitakbuhan ang mga holdaper.

Samantala, humingi naman ng tulong ang mga biktima na tiyempong napansin ng mga nagpapatrulyang pulis na humantong sa habulan at nagresulta para mahuli ang lima sa mga holdaper.

Narekober sa mga suspek ang mga gamit ng mga biktima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply