Abrazado, unang isasalang sa CAAP investigation

KAPAG naumpisahan na ang imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni DILG Sec. Jesse Robredo, una sa planong isalang agad sa pagtatanong ay si Senior Inspector Jun Abrazado, aide ng kalihim na tanging nakaligtas sa aksidente.

Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na tanging si Abrazado lamang ang nakapag-text na nagkakaroon ng problema ang eroplano.

Bukod pa rito, si Abrazado lamang ang may alam o makapagkukuwento sa tunay na nangyari bago pa man bumagsak o nang bumagsak na sa karagatan ng Masbate ang Piper Seneca plane na kanilang sinakyan.

Gigisahin din si Abrazado dahil na rin sa paiba-iba ang kanyang salaysay kaya marami ang nagdududang inuna nito ang sarili kaysa iligtas ang among DILG chief.

Kasabay ng gagawing pagsisiyasat ng CAAP, ipapatawag din nila ang mga taong makapagbibigay ng tunay na dahilan sa plane crash tulad ng personnel crew at opisyal ng Aviatour.

Kasama naman ng ikakasang imbestigasyon, ay ang huling text messages ni Abrazado bago ang plane crash.

Kaugnay nito, tila mahirap umanong malaman ang dahilan ng naganap na trahedya dahil na rin napakasalimuot ng proseso para ito malaman.

Sinabi ni CAAP director general William Hotchkiss III na kailangan makuha ang makina ng eroplano saka ipapadala sa ibang bansa para maipasuri.

Matapos namang masuri, saka pa lamang malalaman kung problema sa makina o human error ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Una rito, nagbigay ng direktiba si Transportation Secretary Mar Roxas sa Philippine Coast Guard kasabay ng posibleng paghingi muli ng tulong ng bansa sa Amerika para marekober ang naturang makina.

Napag-alaman na sumailalim na sa psychiatric test sa Philippine General Hospital (PGH) si Abrazado upang malaman ang naging epekto sa kanya ng plane crash.

Nauna rito, ang pinagbabagsakan ngayon ng sisi ay si Abrazado.

Kuwento ng ama nitong si retired S/Supt. Col. Gil Abrazado, nasasaktan ang kanyang anak sa batikos ng ilang tao na napabayaan niya ang kanyang amo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply