Airport police aksidenteng nabaril ng kabaro

HINDI sinasadyang nabaril ng isang airport police ang kabaro nito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 kagabi.

Ayon sa report sa radio ngayong umaga, dakong alas-7:23 ng gabi nang aksidenteng mabaril si APD Corporal Reynold Mata na natamaan sa kaliwang hita ng bala ng 9mm na baril. Ginagamot ngayon si Mata sa San Juan de Dios Hospital.

Kinilala naman ang nakabaril na si APD Corporal Miranda.

Kinumpirma naman ni PO3 Bon Armac ng National Capital Region Police Office-center for Aviation Security na naganap ang aksidente sa mismong departure area ng NAIA-1.

Sa pahayag ng mga witness, may pinipirmahang attendance checklist si Mata nang bigla na lamang pumutok ang baril na naka-isyu naman sa isang APD Corporal Christopher de Guzman.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatoka si De Guzman na magsagawa ng “body frisks” sa mga pumapasok na mga pasahero nang mangyari ang aksidente at dahil bawal magsukbit ng baril habang ginagawa ito, ibinaba umano ni De Guzman ang kanyang baril sa gilid ng X-ray machine at pinakialaman umano ni Miranda.

Pumutok ang baril habang hawak ni Miranda at tinamaan ng bala nito si Mata.

Boluntaryo namang sumuko sa pamunuan ng APD si Miranda.

Hinihintay pa ngayon ng pamunuan ng Aviation Security Group NCR-Police Center for Aviation Security ang kabuuang ulat ng imbestigasyon sa naganap na insidente bago sila maghain ng posibleng kaso ng alarm and scandal at illegal discharge of firearm laban sa suspek.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply