Akreditasyon ng Ang Galing Party-list, matatanggal

POSIBLE umanong matanggalan ng akreditasyon para sa 2013 midterm elections ang Ang Galing Pinoy (AGP) party-list group na pinamumunuan ni Rep. Mikey Arroyo, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr.

Ito’y matapos na isnabin ng grupo ang idinaos na hearing ng Comelec kamakailan para sa mga grupong posibleng madiskuwalipika sa halalan sa susunod na taon.

Ayon kay Brillantes, nabigo ang naturang party-list group na magpadala ng kinatawan sa isinagawa nilang hearing at hindi rin nakapagsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa kanilang akreditasyon.

“They did not appear, they disregarded our notices so our consensus is we are going to dismiss or cancel the certificate of Ang Galing Pinoy,” ani Brillantes.

Nabatid na ang naturang grupo na lamang ang nabigong makapagsumite ng ebidensiya at mga kinakailangang dokumento na magpapatunay na nag-e-exist nga ang kanilang samahan at kumakatawan sa marginalized sector.

Hindi rin umano nagpadala ang AGP, siyang kumakatawan sa mga security guards, tricycle drivers, magsasaka at maliliit na negosyante sa bansa, ng kinatawan sa kanilang hearing upang humingi ng postponement.

“A partylist must be a continuing organization. Are they holding meetings? If yes, where are the minutes of the meeting. Where are the statements of contributions and expenditures? All of these are requirements,” aniya pa. “They will not be able to establish this if they do not appear before us.”

Ipinaliwanag naman ni Brillantes na hindi na tatakbo si Arroyo, na anak ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa susunod na halalan dahil tapos na ang tatlong consecutive terms nito sa Kongreso kung saan dalawang ulit siyang naging congressman ng Pampanga at nagsilbi ng tatlong taong termino bilang kinatawan ng AGP.

Sa ngayon umano ay bago ang mga nominado ng AGP at kung hindi sila magpapakita sa poll body ay hindi sila maisasailalim sa screening.

“Bago ho ang nominees nila e. Hindi na kasama si Mikey Arroyo. If they do not appear, we will not be able to screen these nominees,” anang Comelec chief.

Ang final ruling ng Comelec kung sinu-sino ang mga didiskuwalipikahing party-list groups ay maaaring mailabas hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply