Ang pangarap ni Ernesto

PANGARAP ang nagsisilbing simula at unang hakbang ng bawat tagumpay sa buhay.

Marami sa ating mga kababayan ang nangangarap na makarating sa ibang bansa upang doon hanapin ang magandang buhay. May ilang nagiging matagumpay na makakuha ng magagandang trabaho gaya ng pagiging isang manager sa mga hotel at restaurant o vice president ng isang kilalang bangko at marami pang iba. Ang iba nama’y pinapalad na magkaroon ng negosyo roon, samantalang may iba rin na kinikilala at hinahangaan dahil sa likas na husay nila sa kanilang mga propesyon at talento na ipinagkaloob ng Maykapal.

Sa minsang pagbisita ko sa Estados Unidos ay nakilala ko ang isang dating pulis na minsang nagkaroon ng isang napakasimpleng pangarap, ang makatuntong at makarating sa ibang bayan.

Nasa Pilipinas pa lamang at nagsisilbi bilang isang pulis na may ranggong SPO1 si Ernesto Salgado ay pangarap na niyang makapunta sa Amerika, kaya naman nang mabigyan siya ng pagkakataon upang bigyang katuparan ang kanyang pangarap na ito ay agad niya itong sinunggaban at iniwan ang pagiging pulis sa Pilipinas.

Katuparan ng isang pangarap para kay Ernesto ang pagtapak niya at paninirahan sa Amerika, subalit hindi naging madali ang buhay niya roon.

Naging kalaban niya ang matinding lungkot at pananabik sa mga iniwan niya rito sa Pilipinas, lalo na ang mga dati niyang kasamahang pulis sa police department noon.

Hanggang sa nagkita sila ng isa niyang kaibigang nurse na siyang naging daan upang makilala niya at muli niyang makasama ang dating kaibigan at kaklase sa Manila Police Academy na si Oscar, isa na itong food and beverage manager sa Warwick Hotel, isang kilalang hotel roon. Ito ang nagpasok sa kanya upang makapagtrabaho rin doon.

Bagama’t maituturing na tila nasa magkabilang panig ng mundo ang trabahong kanyang napasukan sa Amerika, sapagkat mula sa pagiging pulis ay naging isang bus boy o taga-hugas, ay patuloy na nakipagsapalaran si Ernesto roon para sa kanyang pangarap.

Naranasan din niyang magtrabaho bilang isang waiter sa restaurant kung saan ay nakadaupang palad at napagsilbihan niya ang ilang kilalang personalidad sa US gaya nina Al Paccino, Thalia, Cher at Sylvester Stallone. Sa pagsusumikap ay napagtapos din niya ang kanyang mga anak na sa kasalukuyan ay may kanya-kanya ng trabaho. Ang isa sa mga ito ay isa nang doctor o physical therapist at ang isa naman ay assistant manager na.

Bawat tao ay may kanya-kanyang pangarap, maaring maliit o malaki, komplikado o simple, anoman ito, isa lang ang sigurado-kung ginagawa natin ang lahat para dito ay may patutunguhan balang araw ay tiyak nating aanihin ang bunga ng mga ginawa o ginagawa natin, gaya ni Ernesto na bagama’t isang waiter at bus boy ay napagtapos ang kanyang mga anak sa sariling pagsisikap.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.  Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KA-SANGGA MO ANG LANGIT

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply