Apat na araw at isang buwang kalbaryo

NATAPOS din ang kalbaryo ng buong bayan ukol sa disgrasyang sinapit ni DILG Sec. Jesse Robredo.

Gaya ng inaasahan, malungkot ang katapusan ng lahat.

Nabuhay man si Police Captain Jun Abrasado, namatay naman si Robredo at ang dalawang piloto ng Piper plane na kanilang sinakyan.

APAT NA ARAW NA KALBARYO’

Apat na araw ang pinalipas ng lahat bago nagkaroon ng malinaw na resulta ng paghahanap kay Robredo.

Tanggapin man o hindi ng mga kinauukulan, ipinakita ng pangyayari kung gaano kaatrasado ang mahal kong Pinas sa pagharap sa katulad ng disgrasya.

Akalain ba nating divers ang nagpusta ng buhay upang malaman lamang ang tunay na kalagayan nina Robredo.

May mga makinarya naman na pupuwedeng sumisid sa karagatan kahit ilang kilometro ang lalim pero wala ang mga kinauukulan ng kahit isa nito.

‘Yun bang === submarine na pupuwedeng sumisid ng kalalim-laliman sa karagatan.

May mga submarine na pribado ngunit nagtataka lang tayo na hindi sila nagamit para sa search and rescue.

Pero ang labis na ipinagtataka natin ay bakit wala ni anoman nito ang gobyerno?

7,107 ISLA ANG PINAS

Alam ng lahat ng mga nasa pamahalaan na libo-libong isla ang bumubuo ng ating bansa.

Kapag low tide, umaabot ang lahat ng isla sa 7,107 at kung high tide naman ay nasa 7,100 lamang.

Kabilang sa mga isla na ng Pinas ang Panatag o Scarborough shoal at iba pang isla na inaagaw sa atin ng China.

Dahil dito, dapat noon pa, eh, may mga gamit nang napundar mismo ang pamahalaan para sa mga pangyayaring katulad ng naganap kay Robredo.

Sa simpleng salita, mga Bro, dapat may mga makinarya na tayong panisid sa kalalim-lalimang mga karagatan sa loob ng ating teritoryo.

Nasa teritoryo pa nga nating ang Philippine Deep na itinuturing na isa sa dalawang pinakamalaking  karagatan sa buong mundo.

MARAMING DISGRASYA

Napakarami nang disgrasya sa karagatan. Ang dami nang barkong lumubog nang napakalalim. May mga eroplano at helikopter na ring bumagsak sa mga karagatan.

Ang dami nang mga mangingisda ang nalubugan ng mga bangka.

Libo-libo na nga ang namamatay. Pero bakit hanggang ngayon, mga Bro, ay wala ni isa tayong panisid sa mga inaabot ng kamalasan sa ilalim ng mga karagatan?

KORAP AT MANDARAMBONG

Siyempre pa, hindi natin maiwasan na sisihin ang mga anak ng mga buwaya sa pamahalaan.

Walang ibang ginawa ang mga ito kundi ibulsa ang buwis ng mamamayan.

Walang nakaisip sa mga ito na magpundar ang pamahalaan ng mga gamit para sa ganitong mga disgrasya.

Ang naiisip lang nila ay magpundar ng para sa kanilang mga sarili lamang.

Tanging ang tinitiyak ng mga ito ay hindi sila kailanman maghihirap at magugutom kahit sa kanilang pagtanda.

At magpundar ng mga anak, magulang at kamag-anak nila para makontrol ang pamahalaan ng kanilang mga pamilya at maipagpatuloy nila ang kanilang mga korapsyon at pandarambong.

HAMON KAY PNOY

Ang korapsyon at pandarambong na umaagaw sa paninilbihan ng pamahalaan sa mga disgrasya at kapabayaan ng mga opisyal ng bayan ay malaking hamon kay Pangulong Noynoy.

Mungkahi natin na bumili na ang pamahalaan ng kung ilang submarine na ikakalat sa buong bansa.

Ang submarine na yan ay hindi lang dapat na gamitin sa pagdepensa ng ating teritoryo kundi para sa mga disgrasya sa karagatan na nagaganap.

Sa paggawa ng batas para sa badyet sa susunod na taon, dapat nang isama ang pagbili o paggawa ng submarine at iba pang katulad ng mga gamit para sa emergency sa ating mga katubigan.

GUMAWA NG SUBMARINE

May pagawaan na tayo ng barko sa Cebu. May gumagawa rin ng barko sa Subic Bay Management Authority.

Kompanyang Filipino ang alam kong nagmamando ng pagawaan ng barko sa Cebu. Mga Koreano naman ang nakapuwesto sa SBMA, ang Hanjin.

Bakit hindi mag-order ang pamahalaan ng mga bagong submarine sa mga kompanyang ito?

MULA SA JUNKSHOP

Huwag na tayong bumili ng galing sa junk shop na submarine at iba pang gamit na pang-search and rescue sa karagatan.

Subukin natin ang gumamit ng bago na pupuwede nating gamitin para sa mga pangsibilyan, pampulis at pangmilitar na layunin.

Makagagawa naman siguro ang pamahalaan ng negosasyon para maging affordable ang mga gamit na yan. Kung galing sa junkshop ang mga bibilhin natin, baka isang araw ay yan naman ang ating ire-rescue at papatay pa ng mga mamamayan natin.

TECHNICAL DIVERS

Nagpapasalamat tayo sa mga may mabubuting kalooban na technical diver. ‘Yung isa ngang Aleman ay muntik nang namatay rin dahil sa paghahanap kina Robredo. Dapat gumawa agad ang pamahalaan ng pagkilala sa mga taong ito.

Higit dito, dapat na magsanay mismo ang pamahalaan ng mga technical diver na Filipino upang mabilis na makakilos ang mga ito sa oras ng disgrasya.

Pero dapat bigyan sila ng lahat ng mga gamit na kanilang kinakailangan para sa mahusay, sigurado at mabilis nilang pagkilos.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply