Babala ng DoH: Tap water, wag inumin

BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang publiko, partikular na ang mga apektado ng baha na huwag munang inumin ang tubig na lumalabas sa kani-kanilang mga gripo dahil marumi pa ito at maaaring maging sanhi ng sakit.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, karaniwang mataas ang  insidente ng diarrhea at cholera matapos ang nararanasang  pagbaha at upang makaiwas dito ay dapat tiyakin na malinis ang pagkukunan ng tubig.

Maaari naman aniyang gumamit ng distilled water o di kaya’y pinakulong tubig upang matiyak na ligtas ang iinuming tubig, gayundin ang mga gagamitin sa pagluluto.

Kung malabo ang tubig ay dapat salain muna ito ng malinis na tela saka pakuluan ng hanggang dalawang minuto para matiyak na wala nang bacteria.

Kasabay nito, binalaan din ng DOH ang publiko sa paggamit ng tubig baha sa paghuhugas ng kanilang mga gamit, lalo na sa pinagkainan.

Ayon sa Kalihim, sa ganitong panahon ng kalamidad ay dapat na maging prayoridad pa rin ng mga ito ang kanilang kalinisan upang malayo sa sakit.

“Marumi po ang tubig baha kaya huwag itong gamitin lalo sa panghugas, sa oras na humupa ang tubig baha ay mas kailangan ang pagiging malinis natin sa ating kapaligiran lalo sa pangangatawan,” ani Ona.

Aniya pa, dapat tiyakin na nahugasan at nasabon ng mabuti ang  nabahang mga gamit bago ito muling gamitin.

Dapat ding maligong mabuti at mag-disinfect para iwas na  kapitan ng sakit lalo ang mga paslit.

Nauna rito, nakatanggap ng report ang DOH mula sa Maynilad  Water Services Inc. na pinagbabawalan ang residente ng Metro Manila na gamitin ang tap water dahil sa kasalukuyan ay madumi pa ang lumalabas na tubig sa mga gripo.

Hininaan din ng Maynilad ang pressure ng tubig na lumalabas sa gripo dahil sa marumi rin ang tubig na nanggaling sa Angat dam.

Samantala, hindi naman ipinapayo ng DOH ang pagdu-donate ng infant formula at powdered milk products sa mga biktima ng baha dahil sa mapanganib umano ito sa ngayon dahil na rin sa  kontaminadong tubig.

Mas makabubuti umano kung mag-breastfeed na lamang ang mga ina upang matiyak na ligtas ang gatas na iinumin ng kanilang mga sanggol.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply