Bagman ni Decano at bugok na DepEd principal

MASBATE- Pinalalayas ng prinsipal na si Mrs. Julieta Masamoc ang mga bahay na nakatirik sa lupang pag-aari ng Masbate School of Fisheries, sa Cayabon, Milagros.

Ni hindi man lang nagpadala ng “notice to vacate,” bagkus idinaan ni Masamoc ang mensahe sa ipinatawag niyang pagtitipon.

Ang kanyang taning na tatlong buwan ay magtatapos sa petsa 28 ng Agosto.

Jun, alam naming kabisado mo ang isyu sa lupang ito dahil dito ka nag-aral ng sekondarya, kaya sana naman ay tulungan mo kami.

‘Yan parekoy ang buod ng text ng ilang residenteng pinalalayas ni Mrs. Masamoc.

Hindi po iskwater ang mga ‘yan, Mrs. Masamoc, dahil sa simula ng kanilang paninirahan d’yan halos 35 taon na ang nakalipas ay may pahintulot sila sa school administrator noon na si Alfeo T. Farren.

Kaya wala kang karapatan na basta na lang ipagiba ang kanilang mga bahay ng hindi dadaan sa ligal na proseso!

Tinatawagan natin, parekoy, si DepEd Sec. Armin Luistro na sana ay turuan muna niya ng batas itong si Masamoc! Partikular na ang ‘Lina law’ kung saan hindi maaring paalisin nang walang maayos na relokasyon ang mga nakatira sa pag-aari ng gobyerno!

Hindi ‘yung itinuturing silang “basura” na basta na lang wawalisin sa kanilang lugar!

Kung hindi alam ni Masamoc ang batas o ayaw lang talaga niya itong sundin, dapat sigurong lumayas na lang siya sa pagiging prinsipal! Pwe!

-o0o-

HALOS kalakaran na parekoy na ang lahat ng PNP District Director ay may “bagman” na nangongolekta mula sa mga iligalista sa kanilang lugar.

Ang kaibahan lang nitong si P03 Cruz na kilalang collector ni NPD Dir. Antonio Decano ay sobra ang daldal.

Wala umano siyang pakialam kung umiyak man ang mga iligalista, ang mahalaga ay maibigay niya ang lingguhan ni Maj. Lleva na siyang bagman ni Gen. Decano.

Sir, ang order mo ba ay gatasan lang at hindi hulihin ang mga iligalistang ‘yan?

-o0o-

Pakinggan sa DZME-1530Khz ang aking programang “Alarma kinse trenta” (Monday-Friday, 6-7am). Para sa inyong reaction: 09098992775

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply