Bagong ‘Barney video’ kumalat

SA UNANG tingin akala ko’y may bagong pelikula o teleseryeng ginagawa si Barney sa may Tandang Sora Avenue at Capitol Hills Drive sa Quezon City. Nung aking pinanood ang video na kumakalat sa internet at sa telebisyon ay hindi pala ang friendly dinosaur ang aking pinapanood kundi ang isang executive ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp. Inc. (PMFTC). Si Robert Blair Carabuena ay nakita sa video na galit na galit kay MMDA Traffic Constable Saturnino Fabros. Dalawang beses hinampas ni Carabuena ng sumbrero si Fabros at sa huli’y parang sinampal o sinapak sa kaliwang bahagi ng mukha. Ang sumbrerong ginamit ni Carabuena ay kay Fabros, parte ng uniporme ng kawawang empleyado ng MMDA. Ang pagkuha ni Carabuena ng sumbrero ni Fabros ay ‘di nakunan sa video.

Noong nakaraang Sabado Agosto 11, nagtatrapik si Fabros sa kanto ng Capitol Hills Drive at Tandang Sora Avenue sa Quezon City. Pinahinto ni Fabros ang mga sasakyan na nanggagaling sa isang  kanto para makaandar naman ang mga nasa kabilang kalsada. Hindi sinunod ni Carabuena si Fabros at inabante pa ang kanyang Volvo S60. Dito na sinita ni Fabros ang motorista.
Ayon kay Fabros, imbes na makipag-usap ng maayos ang motorista ay galit na galit itong bumaba at kinompronta ang traffic enforcer. Kitang-kita at maririnig sa video ang tono ni Carabuena na talagang naghahamon. Kasama sa video ang kapatid ni Carabuena na si Robert Benjamin.

Ayon pa kay Fabros ay nasa loob rin ng sasakyan ang kanilang ama na siyang humingi ng tawad kay Fabros. Napakayabang mo naman Barney. Mabuti na lamang at si Fabros, na 27-taon na sa serbisyo ay ‘di nakalimot sa kanyang tungkulin na huwag salubungin ang init ng ulo ng isang motorista. Isa kang magandang ehemplo Ginoong Fabros. Mabuhay ka!

Si Carabuena ay sinuspinde na ng PMFTC sa kanyang trabaho at sinampahan na ng kasong Direct Assault ni Fabros ayon kay MMDA Traffic Chief Atty. Yves Gonzalez. Bukod dito, hiniling na rin ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa LTO na permanenteng isuspinde ang driver’s license ni Carabuena.

Pati ang dalawang Permit To Carry (PTC) ng baril niya ay nanganganib na bawiin ng PNP Firearms & Explosives Division. Ang balita ko’y magsasampa rin ng kaso si Carabuena laban kay Fabros. Asus! Isang Psychology graduate ng Ateneo de Manila University itong si Carabuena. May ilan akong kaibigang Atenista na hiyang-hiya sa ginawa mo Blair Carabuena. Sana’y maging leksyon sayo ito at magsilbing hudyat sa pagbabago ng pangit mong asal.

Sana’y maipasa na ang Road Rage Bill sa lalong madaling panahon.

*****

Happy 3rd Anniversary sa programang Motorsiklo Xklusibo ni Edwin Go! Ang MX ay mapapakinggan tuwing Biyernes 1:30-3pm sa DZME 1530khz. Malaking selebrasyon ang magaganap ngayon sa Tagaytay International Convention Center.

*****

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM.Inaanyayahan ko rin kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply