Bagyong Helen, nabuo sa silangan ng Luzon- Pagasa

GANAP  ng bagyo at tinawag sa pangalang ‘Helen’ ang active low pressure area (ALPA) sa silangan ng Luzon , ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa huling namataan ang sentro nito sa layong 750 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora o 1,000 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Naga City, Camarines Sur (16.2N 132.1E).

Taglay nito ang maximum winds na 55 kilometers per hour (kph) at patuloy ang pagkilos pa-kanluran sa bilis na 11 kilometro bawat oras.

Ang tinatawag na “convective western rainbands” nito ang nagdudulot umano ng mga pag-ulan sa Bicol at Samar provinces.

Ayon sa Pagasa makararanas ang Kalakhang Maynila ng madalas na maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Katamtamang hangin mula sa Timog-kanluran ang iiral at ang Look ng Maynila ay magiging katamtaman ang pag-alon. Ang tinatayang agwat ng temperatura ay mula 24 hanggang 31 antas ng Celsius (75°F hanggang 88°F).

Ang Luzon at Kabisayaan ay makakaranas ng madalas na maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na magiging maulap na may malawakang mga pag-ulan sa Silangang bahagi ng Luzon na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa, ayon sa pahayag ng Pagasa.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa Timog-kanluran hanggang Kanluran ang iiral sa Luzon at ang mga baybaying-dagat nito ay magiging katamtaman hanggang sa maalon.

Sa ibang dako, ang hangin ay magiging mahina hanggang sa katamtaman mula sa Timog-kanluran hanggang sa Kanluran na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply