Bail or no bail (2)

PAG nakapagpiyansa ba ang akusado abswelto na? HINDI PO. Akusado pa rin siya kaya lamang habang nililitis ay nasa labas siya ng kulungan.

Eh, bakit attorney, alam na-man natin na nandaya si GMA, paano humina ang ebidensya? Iba po sa husgado. Hindi puwede na tsismis o sabi-sabi lang ni ganito ay ebidensya na na katanggap-tanggap sa Rules of Evidence.

Halimbawa, pinatay ni Juan si Pedro. Nakita ni Edong na pinatay ni Juan si Pedro.

Kinuwento ito ni Edong kay Clara at si Clara naman ay ikinuwento sa Nanay niya.
Kinasuhan si Pedro. Ang testigo ay sa Nanay ni Clara. Ang testimonya ng Nanay ni Clara ay sinabi ng kanyang anak na sinabi ni Edong sa kanya na nakita niya na pinatay ni Juan si Pedro.

Tanong, kasinungalingan ba ang sinabi ng Nanay ni Clara? Hindi. Nagsasabi siya ng totoo na pinatay ni Juan si Pedro kaya lang hindi tatanggapin ng Husgado na matibay na ebidensya laban kay Juan ang testimonya ng Nanay ni Clara. Para mas matibay ay kailangan mismo ang eyewitness na si Edong ang mag-testify laban kay Juan.

“Hearsay” lang ang testimonya ng Nanay ni Clara. “Direct Evidence” ang kay Edong. So dapat si Edong ang tumestigo. So, mapawa-walang sala si Juan HINDI DAHIL SA INOSENTE SIYA KUNDI DAHIL MAHINA ANG EBIDENSYA LABAN SA KANYA.

Eh, mahina ba ang ebidensya laban kay GMA? Ang paniwala ng husgado ay mahina. Bakit? Ang ebidensya sa bail hearing ni GMA ay ang testimonya ni Maguindanao Provincial Administrator Norie Unas. Sabi niya ay “he overheard Arroyo ordering the then Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. to produce a 12-0 vote in the province in favor of the “administration”. Malakas bang ebidensya ito laban kay Ginang Arroyo? Aba’y kahit sinong politiko ay kakampanya ng “straight vote” sa slate at zero-in ang kalaban!

Pero kung ang testimonya ni Unas ay “Sinabi po sa akin mismo ni GMA na dayain ang halalan sa Maguindanao at inabutan po ako ng pera para siguruhin ang pandaraya” mas malakas na ebidensya ito.

Attorney, wala na bang ibang testigo laban kay GMA? Ang sabi ay marami pa. Pero hindi ko alam kung bakit sa bail hearing ay tanging si Unas lang ang isinalang.

Hindi na ba maibabalik sa kulungan si GMA? Puwede. Sabi ng administrasyong Aquino ay nakapila ang kaso laban kay GMA. Ang problema ay malakas ba ang kaso na ito?

Madaling magsampa ng kaso. Oo, ma-aaresto siya at panandaliang makukulong pero makapag pipiyansa pa rin siya.

Hindi paramihan ng kaso ito kung hindi, anong kaso ang malakas na mahahatulan ng pagka may sala si Ginang Arroyo. Baka masuya na ang taong bayan sa pagpasok at paglabas ni Finang Arroyo sa Veteran’s Memorial!

Ayokong pangunahan ang mga tagausig o prosecutors ni GMA. Di hamak na mas mahuhusay silang abogado kaysa sa akin. Nagsalang na daw ng Motion for Reconsideration sila upang pabaguhin ang isip ni Judge Mupas at bawiin ang piyansa na itinalaga niya para kay GMA. May mga bagong witness kaya sila na isasalang? O isang “rehash” o paulit-ulit lang na arguments?

Nawa’y kahit papaano ay naipaliwanag kop o ang proseso sa hukuman at nakatulong ako sa paglilinaw ng issue. MAY KASO PA PO SI GMA at walang irregularity sa pagbigay ng piyansa sa kanya ng Jusge. Sana sa mga araw ng paglilitis ay lumabas ang katotohanan.

Ang katotohanan ay nandiyan lang at hindi mawawala. Kailangan lang ay MAIPALABAS AT MAIPAKITA SA HUSGADO UPANG MANAIG ANG KATOTOHANAN LABAN SA KASINUNGALINGAN.

Ano man ang saloobin natin bilang mamayanan, huwag tayo mawalan ng pag-asa sa ating mga Hukuman dahil kapag hindi na tayo naniniwala sa hustisiya sa ating bayan, maghahanap na tayo ng ibang paraan sa labas ng Hukuman.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply