Baldadong lolo ginulpi, 2 akyat bahay kalaboso

KALABOSO ang dalawang miyembro ng Akyat Bahay Gang nang magtangka ang mga ito na manloob at gumulpi pa sa baldadong matanda na may-ari ng bahay matapos makatakas ang kasambahay na kanilang iginapos at makahingi ng tulong sa pulisya kagabi sa Pasay City.

Patong-patong na kasong attempted murder, maltreatment, unjust vexation, grave coercion, concealing deadly weapon at threat ang isinampa ng pulisya sa piskalya laban kina Sherwin Mondragon 28 at Jonarey Bueno, 28, kapwa palaboy sa Luneta nang madakip ng pulisya habang naghahalughog pa sa bahay ng biktimang si Nemesio Estenor, 62, ng 1348 Magnolia St., Maricaban.

Sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Desalisa ng Investigation Section ng Pasay police, pinasok ng dalawa na armado ng patalim ang bahay ng biktima dakong alas-6:30 ng gabi at kaagad na iginapos ang kasambahay na si Salvacion Bon. 55 bago ikinulong sa comfort room.

Umakyat sa ikatlong palapag ng bahay ang dalawa at pilit na inaalam sa baldadong si Estenor kung saan nakalagay ang kanyang salapi subalit nang tumanggi ang biktima ay pinagtulungan siyang gulpihin.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nagawang makalas ni Bon ang gapos at kaagad na nakahingi ng tulong sa mga barangay tanod at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa na nasa loob pa ng bahay ng biktima.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply