Bantay OCW mapapanood na sa GMA News TV International

BILANG pagtugon sa maraming kahilingan na aming natatanggap mula sa mga tawag, email at mensahe sa Facebook mula sa mga Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo, lalong-lalo na ang ating mga kababayang OFW, mapanonood na ang Bantay OCW (Ang Boses ng OFW) sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng international feed ng nangungunang istasyon sa pamamahayag sa bansa, ang GMA News TV International.

Maaari nang masubaybayan ng mga manonood na Filipino sa ibang bansa ang natatanging programang naghahatid ng makatotohanan, maaasahan at tumpak na impormasyon hinggil sa mga usaping pag-a-abroad, apat na beses sa isang linggo sa Japan, Guam, Australia, New Zealand, Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, US Pacific-Vancouver at US Eastern-Toronto sa istasyon ng GMA News TV International.

Nagsimula nang umere ang programa nitong nakaraang Hunyo sa hangarin na maabot ang mga Filipino sa buong mundo. Bunga ng pagsasanib-puwersa ng Bantay OCW at GMA Network, Inc., ito ay isang malaking hakbang ng dalawang panig upang maiparating sa mga kababayang OFW sa ibayong-dagat na may isang tunay na programa sa Pilipinas na nagsisilbi nilang boses, laging handang tumugon sa kanilang mga hinaing, at naglilingkod sa publiko sa loob ng 15 taon.

Lubos naman na nagpapasalamat ang inyong Bantay OCW kay Gilberto R. Duavit, Jr., President at Chief Operating Officer ng GMA Network, Inc. at kay Joseph Jerome T. Francia, ang Vice President at Head of Operations of GMA International sa kanilang pagsuporta sa walang kapantay na mga adhikain ng programa para sa ating mga OFW.

Nagpapasalamat din ang Bantay OCW sa mga taong nasa likod ng katuparan ng pagsasamang ito at pagiging bahagi ng programa sa GMA News TV International. Hindi ito magiging posible kung wala ang pagpupunyagi ni Edwin Roceles at Joel Marcelo Jimenez, GMA Network, Inc. board director na tunay namang nagtiwala at sumuporta sa Bantay OCW.

Inilunsad noong taong 2011, nagsasahimpapawid ang GMA News TV International ng mga programa hinggil sa araw-araw na pangyayari sa lipunan, dokumentaryo at “current affairs”. Ito ang ikatlong international channel na inilunsad ng GMA Network, Inc. kabilang ang GMA Pinoy TV at GMA Life TV.

Bantay Kaso

· ALEJANDRO PARAGAS (Asawa ng OFW sa Malaysia na biktima ng pagmamaltrato)
CRISELDA PARAGAS (OFW sa Malaysia na nakaranas ng pagmamaltrato mula sa kanyang employer)

Kaso: Ika-6 ng Hulyo ng 2012 nang umalis sa bansa si Criselda. Nakaranas na siya agad ng labis na pagtatrabaho at isang beses lamang sa maghapon kung pakainin siya ng kanyang employer. Dahil dito nais na lamang niyang makauwi ng bansa ngunit pinagbabayad siya ng malaking halaga ng kanyang principal agency.

Update: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Labor Attache Alicia Santos ng embahada ng Pilipinas sa Malaysia upang ipagbigay-alam ang kalagayan ni Criselda na nasa principal agency nito noon. Matapos direktang makausap ng Bantay OCW ang may-ari ng nasabing ahensya nito na Agensi Pekerjaan Strategi Setia (M) SDN BHD, ganun din kay Luzviminda Cabal, ang general manager ng Jats Talent Center Corp. na nagpaalis sa ating kabayan, kaagad naman nilang inihanda ang plane ticket pauwi ni Criselda. Nakauwi na siya ng bansa nitong Hulyo 20, 2012 lulan ng Cebu Pacific Airlines.

· AYLEEN CASERES (Pinsan ng hindi pinauuwing OFW sa Dammam, KSA)
NORMETO MIRANDA – Limang taon na sa Dammam, KSA ngunit ‘di pa rin pinapayagang makauwi ng kanyang amo.

Kaso: Limang taon nang hindi pinauuwi ng kanyang employer bagama’t dalawang taon lang ang kontrata nito. Dahilan ng employer niya wala pa siyang kapalit sa trabaho. May limang buwang sweldo rin ang hindi niya natanggap kaya nais niyang masaklolohan mula sa Dammam, KSA at makauwi na.

Update: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW kay Labor Attache Adam  Musa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Al Khobar, KSA. Ayon kay Labatt. Musa nakausap niya ang employer ni Normeto at nagkaroon ng kasunduan na tatapusin na lang niya ang dalawang buwan pang trabaho nito.

*****

Mapakikinggan si Susan K. sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, GMA News TV Intl., apat (4) na beses sa isang linggo Hotlines:  535-7209/881-9423/0920-968.4700. E-mail: susankbantayocw@yahoo.com/ bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply