Batangas PNP may tongpats

ILANG beses na nating ipinanawagan ang reklamo tungkol sa operasyon ng buriki at pirated DVDs/CDs gangs sa Batangas pero wala tayong marinig o makitang pagkilos si Provincial Director S/Supt. Rosauro Acio.

Ala eee, ayaw umaksiyon ang aming kapulisan sa mga iligal dine sa amin. Si Col. Nicolas Torre lll na aming police chief, walang imik, bulalas ng isang taga-Batangas City na nagsumbong sa Chokepoint.

Ang petroleum at cement products na nakasakay sa mga truck at nakatakdang i-deliver sa Metro Manila ay idinaraan muna sa Barangay Paharang, Batangas City at binabawasan ng mga tinatawag na buriki gang. “Kaya pagdating sa nag-order ng produkto o patutunguhan nito, ang inorder na gasoline, diesel o kaya naman ay semento ay kulang na”, pahayag nila sa Chokepoint.

Ang malalaking petroleum companies at malaking gawaan ng semento kasi ay makikita sa lalawigan ni Batangas Governor Vilma Santos – Recto. Dito nanggagaling ang malaking bulto ng petroleum at cement products. Ang bentahan naman ng piniratang DVDs at CDs ay lantaran sa maraming lugar sa mga palengke ng Batangas City at sa iba’t ibang lugar sa lahat ng bayan at lungsod ng lalawigan  ng  Batangas,  sumbong nila sa atin.

Lubha raw kasing nakaaapekto sa mga residente ng lalawigan, lalo na sa mga kabataan,  ang ‘di masugpo-sugpong bentahan ng pini-ratang bold movies at kung ano-ano pang malalaswang panoorin. Ibinulgar din nila na isang nagngangalang ‘Bobby’ at ‘Dondon’ ang pasimuno sa operasyon ng buriki at DVD/CD gangs at ang dalawang ito ay malimit umanong makita sa opisina ni Col. Acio at Col. Torre.

Ang tanong natin eh, kung ang dalawang ito na ang lakad ay iligal ay nakikita sa mga tanggapan ng mga namumunong police official, ano ngayon ang iisipin ni Mang Juan.

Ano pa kundi suspetsa na may nangyayaring kalokohan. Ayaw nating isipin na kasapakat sina Col. Aceo at Col. Torre sa operasyon ng buriki at DVD/CD gang sa lugar na kanilang binabantayan. Pero kung ‘di nga naman sila kumikilos para masawata ang operasyon nina ‘Bobby’ at ‘Dondon’, ‘di nga mawa-wala sa ating suspetsa na nakikipagkutsabahan ang dalawang mataas na opisyal na ito ng kapulisan ng Batangas.

Mga sir…para ‘di kayo pagsuspetsahan, aba’y paghuhulihin n’yo ang mga nasa likod ng operasyon ng buriki at DVD/CD diyan sa inyong lugar. Ngayon  kung hindi kayo kikilos, naku eh, pagsususpetsahan nga kayo.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply