Bayanihan ng mamamayan

BUHAY pa po ang diwa ng bayanihan sa Pilipinas. Ito ang namalas ng Free Spits sa ginawa nating pag-ikot at pagtulong sa mga nasalanta ng “Bahang Walang Pangalan.”

Mula sa sulok ng Cainta at Taguig, hanggang sa tabing-dagat ng mga bayan ng Malabon at Navotas, hanggang sa bahaing probinsiya ng Pampanga, matapos ang pagbuhos ng ulan at baha, siya namang lakas ng alon ng tulong at donasyon sa mga kababayan nating naging biktima ng delubyo.

Hindi bale na yung mga tumulong na may kasamang photographers at reporters. ‘Yung mga bumisita at  nagbigay ng kung anoman na galing naman sa pondo nila na galing sa buwis natin. Obligasyon nila yun, hindi po iyon  tulong. Dahil sila ay mga elected official, wala silang karapatan na angkining gandang loob at kusang-palad ang pag-alalay nila.
Suwelduhan po natin sila.

Ang sinasabi ko po ay yung mga ordinaryong mamamayan, na walang humpay ang pag-ikot upang humakot ng relief goods at pagka-tapos ay dalhin ito sa mga nangangailangan.

Nandiyan  ang  grupo ng mga musikero sa pamumuno ni Gang Badoy na nagsagawa ng isang benefit concert sa Route 196 noong Lunes para humakot ng underwear, na ang tawag ay Laglag Panty benefit concert. Opo, underwear, dahil ito ang laging nakalilimutan na kailangan para sa kalusugan at hygiene.

Nandiyan ang grupo ni Rommel Juan ng Binalot, Dong Magsajo ng Peugeot, Ginia Domingo ng Kia, Eggay Quesada ng Stopligh TV at James eakin ng C! Magazine.

Ang mga ito ay walang humpay na umikot mula pa noong Huwebes, may baha pa noon,  para magdala ng mga nilutong Binalot packs para sa mga nagugutom na kababayan natin sa evacuation centers.

Sumugod din ang Land Rover Club of the Philippines sa pangunguna nina Marc Soong at Atty. Robby Consunji, para suungin ng kanilang mamahaling sasakyan ang baha na hindi kaya ng ordinaryong kotse.

Ang Power Wheels Magazine na nagsagawa ng blood donation drive para sa mga nangangailangan ng dugo dahil nagkasakit o naaksidente noong delubyo. Ang Topgear Magazine na hinakot lahat ng mga car manufacturer at auto after-market industry noong Sabado para may paglagyan ng mga relief goods na dinala nila sa iba’t ibang relief center sa Kalakhang Maynila.

Ang mga tao at grupong ito ay kinuha ang kanilang lakas mula sa nasaksihan nila sa magkakapitbahay na nagtulungan noong kasagsagan ng baha. Hindi sila nag-ipon para magpa-cute o photo ops.

AT kahit may-ari ang iba ng magazine o bahagi sila ng dyaryo, hindi natin nakita ang mga mukha nila sa pahayagan.

Ito ang diwa ng tunay na Bayanihan, ang pagsasama-sama ng mga Pilipino sa isang gawain upang matulungan ang nangangailangang kapwa. Wala pansariling motibo at tiyak na hindi sila tatakbo sa darating na eleksiyon.

Hindi rin sila nagsuot ng kulay dilaw!

React to ira_p@hotmail.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply