Binata utas sa ratrat Las Piñas City

PATAY ang isang lalaki nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin makaraang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang diskusyon sa loob ng isang videoke bar sa Las Pinas City.

Dead on arrival sa Las Pinas District Hospital ang biktimang si Kevin Calang, nasa hustong gulang at residente ng Tierra Hermosa 2, Brgy. Almanza Uno sanhi pagkaubos ng dugo nang tamaan ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa itaas na bahagi ng binti.

Batay sa ulat na isinumite kay Las Pinas Police chief Sr. Supt. Romulo Sapitula, nakipagtalo ang biktima sa hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng P and M Videoke Bar sa CRM Avenue, Almanza Uno dakong alas-12:45 ng madaling araw sa hindi pa batid na dahilan.

Tinangka naman silang awatin ng kaherang si Kris Lumagdau, 43 subalit bigla umanong bumunot ng baril ang suspect at kaagad na pinaputukan si Calang na nagawa pang makatakbo palabas ng establisimiento.

Dahil sa kaguluhan, nagtakbuhan palabas ang lahat ng mga customer na naging dahilan upang makontamina ang mga ebidensiya, pati na ang mga patak ng dugo na kaagad ding nilinis ng pamunuan ng naturang videoke bar.

Inaalam na ni SPO1 Jose Abitria III ng Criminal Investigation Section ng Las Pinas Police ang pagkakakilanlan sa suspect na tumakas makaraan ang pamamaril.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply