Botohan sa RH bill, tinuligsa ng simbahan

TINULIGSA ng mga lider ng Simbahang Katoliko ang ‘mataktikang botohan’ na ginawa ng Kamara nitong Lunes upang itigil na ang interpelasyon sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill.

Ang naturang botohan ay orihinal na nakatakdang isagawa sana nitong Martes ng hapon ngunit napaaga ito at isinagawa nitong Lunes ng hapon ilang oras matapos ang pakikipagpulong ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa mga mambabatas sa Malacanang.

Ayon kay Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang pagpasa sa RH bill ay magiging malaking trahedya at sakuna para sa mga Pinoy.

“May God have mercy on our Congress,” aniya pa.

Sa kabila nito ay umaasa pa rin si Lagdameo na maglalaan pa ang Kamara ng mas maraming panahon upang talakayin ang panukalang batas upang makita rin nila ang mga depekto nito para sa kapakanan ng kabutihan ng lahat.

“Both sides must have an open mind for that good,” aniya pa.

Inilarawan naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang pagsusumikap ng pamahalaan na maipasa ang kuwestiyonableng panukalang batas bilang pagpapakita ng ‘imperyalismo.’

Nagpahayag din ng kalungkutan si Arguelles sa aniya’y mga imperyalistang local agents na inilarawan niyang mga ‘traydor’ sa soberenidad ng bansa.

Iginiit ng arsobispo na hindi ang kinabukasan ng mga Pinoy ang iniisip ng mga makapangyarihang dayuhan at ng kanilang mga ‘puppet’ kundi ang ‘pagpuksa’ sa mga mahihirap at sa mga taong naniniwala sa Diyos.

Nanindigan naman si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang pagpasa sa RH bill ay magpapabagal sa pag-unlad ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Bastes na kinakailangan ng bansa ang mga tao upang umunlad.

Ipinaliwanag nito na layunin ng RH bill na bawasan ang paglaki ng populasyon ng Pilipinas sa pamamagitan nang pagpatay sa mga sanggol at pagpigil sa pagsilang ng mga ito, na magsusulong sa kultura ng kamatayan at kadiliman tungo sa pagkakasala.

Sinabi naman ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo na isinusulong lamang ng mga dayuhan ang kanilang sariling interes at hindi ang interes ng mga Pinoy, sa pamamagitan ng RH bill.

Dahil dito, higit, aniyang, dapat na tutulan ng mga Pinoy ang naturang panukalang batas dahil sa bandang huli ay ang mga mamamayan rin ang siyang talo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply