Broker na konektado sa administrasyong Arroyo, sangkot sa rice smuggling

IBINUKING ni Senate President Juan Ponce Enrile na isang kilalang “broker” na kondektado sa dating Arroyo administration ang sangkot sa pagpupuslit ng Indian rice na nakumpiska ng Bureau of Customs sa Subic Freeport.

Ito’y matapos ikanta ni Cesar Bulaon–Vice-President ng Metro Eastern Trading Corp. na isang alyas Bong Cuevas diumano ang nakipagpulong sa kanya sa Shang-ri La hotel noong Marso kasama ang dalawang bumbay na ang isa ay kinilalang si Protik Gruha, Chief Executive Officer ng Amira C-Foods International DMCC.

Sinabi ni Enrile na kakilala niya si Bong Cuevas na gaming operations ang dating negosyo sa Port Irene, Cagayan at kilalang malapit sa dating Administrasyong Arroyo.

Hindi kumbinsido si Enrile sa paliwanag ni Bulaon dahil halatang nagsisinungaling ang nasabing consignee ng kargamento.

Nagbabala pa si Enrile kay Bulaong na ‘wag lokohin ang mga senador sa pagpapa-ikot ng kanyang mga sagot dahil ipapakulong niya ito sa senado.

“Yan ang problema sa inyo nagtuturuan kayo, wag niyo kaming niloloko rito. If you are going to tell a lie here, Ikukulong ka namin dyan sa basement,” galit na pahayag ni Enrile.

Tiniyak ni Enrile na hindi titigil ang senado hanggang hindi napaparusahan ang mga taong sangkot sa smuggling at  kung may mga opisyal ng gubyerno na dawit dapat umano silang masibak sa pwesto.

“The important thing here is to pinpoint responsibilities, unmask the masterminds, backers, financiers and banks where they transacted the payment for this shipment. It’s about time we must unmask them and if there are gov’t officials involve, they must be removed from the service,” pagdidiin pa ni Enrile.

Sa pagtatanong naman ni Senadora Loren Legarda, tiniyak ni  Customs Commissioner Ruffy Biazon na hindi makalulusot sa kanya ang mga ganitong uri ng smuggling operations at hindi rin siya pasisilaw sa kinang ng salapi ng mga smugglers sa bansa.

Sa hearing, tahasang inatasan ni Enrile si Customs Commissioner Ruffy Biazon na huwag i-labas ng subic freeport ang nasabing hot rice dahil gagamitin nila itong ebidensya sakaling magharap sila ng kaso.

Naikonekta naman ni Sen. Ralph Recto na isang Steph Sanio, Senior Deputy Administrator ng SBMA ang nagrekumenda sa Metro Eastern Trading sa Amira dahil nagpapatulong daw ito sa warehousing ng nasabing bigas.

Samantala, “No show” naman sa imbestigasyon ang isang alyas Danny Ngo na tinukoy ni Senate President Juan Ponce Enrile na diumanoy nag-areglo ng  pagpuslit ng 420-libong sako ng“hot rice” sa Subic Freeport na ang halaga ay halos kalahating bilyong piso(500-M) pesos.

Napag-alaman din ni Enrile na bulok na ang nasabing bigas dahil may bukbok at inaamag na ito.

Ayon kay Enrile, nagtataka siya kung bakit tinanggap pa sa Subic gayung tinanggihan na ang kargamento ng Indonesia dahil bulok na.

Sa kabilang dako, kinumpirma ni NFA administrator Lito Banayo na walang import permit ang Amira kaya malinaw na isa itong uri ng smuggling.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply