Burol ni Secretary Robredo sa Naga dinagsa

PATULOY na dinudumog ng mga nakikiramay ang burol ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa chapel ng Archbishop’s Palace, sa Naga City.

Nananatiling nakasara ang kabaong ni Robredo at nasa ibabaw nito ang bandila ng Pilipina, habang nakapuwesto ang honor guards sa gilid nito.

Ngayong alas-9:00 ng umaga ay nag-alay ng misa para sa kalihim, gayundin mamayang alas-5:00 ng hapon.

Ganito rin ang schedule ng misa bukas at sa Biyernes ng umaga bago dalhin ang mga labi ni Robredo sa Maynila.

Magdaraos din ng misa para sa kalihim sa chapel ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame simula alas-6:30 ng umaga, alas-12:15 ng tanghali at alas-5:15 ng hapon.

Dadalhin din ang labi ng kalihim sa National Police Commission (Napolcom) sa Makati at sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at isang misa rin ang iaalay para sa kanya ng mga empleyado.

Sa Linggo, nakatakdang ibalik sa Naga City si Robredo para pansamantalang ilagak sa City Hall para sa huling pamamaalam at pagbibigay-pugay ng mga opisyal at empleyado.

Kung hindi magbabago ang schedule, posibleng sa Martes ihatid sa huling hantungan ang kalihim.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply