Calamity fund sa paaralang ginawang evacuation centers, isinulong

IMINUNGKAHI ng chairman ng House committee on higher and technical education na magkaroon ng calamity funds para sa public schools na ginagamit bilang evacuation centers sa panahon ng kalamidad.

Mahalaga ayon kay Aurora Rep. Sonny Angara, chairman ng nabanggit na komite, na mabigyan ng alokasyon ang mga pampublikong paaralan upang may maipambayad sa kuryente, tubig at pasilidad para sa paglilinis sa panahon at matapos ang kalamidad.

“What is happening today is that after typhoon evacuees have left the school, the latter is left with utility bills to pay, trash to be collected, and rooms and toilets to be cleaned,” ani Angara.

May ilang kaso aniya na hindi naman sinasadya ang mga pagkasira gaya ng mga upuan, lamesa at mga libro na hindi maiiwasan aniya kapag ang isang silid-aralan ay ginawa ng relokasyon sa mga biktima ng kalamidad.

Banggit pa ni Angara na ang mga pagsasaayos sa ginawang evacuation centers ay karaniwang binabalikat ng mga paaralan na hinuhugot din mula sa kakarampot na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) funds.

Ngunit tila hindi aniya makatarungan ang ilang kaganapan na mismong ang mga guro pa ang nagpapaluwal ng sariling pera para lamang sa pagsasaayos ng silid-aralan gayung nagamit ito ng gobyerno para sa relokasyon.

Ang MOOE na ginagamit ng Department of Education sa mga paaralan ay nagmumula sa alokasyon na P230 kada mag-aaral taun-taon.
“That‘s about one peso per student per school day. And money for water, electricity, test materials, the salary of security guard, supplies and all other operational expenses is taken from the MOOE fund,“ paliwanag pa ni Angara.

Kung may alokasyon aniya mula sa calamity fund ang mga paaralan na ginagamit bilang evacuation centers ay may mahuhugutan ng pondo mula sa alokasyon ngayong taon na P7.5 bilyon.

Malaking tulong din aniya ito dahil sa tuwing pagkatapos ng unos ay agad makapagka-klase ang mga paaralan dahil mapapabilis ang pagsasaayos sa mga nasirang kagamitan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply