CBCP: Mga Catholic school prof na pro-RH bill, magbitiw na

NAIS ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magbitiw na lamang sa kanilang tungkulin ang mga guro ng Catholic schools na pabor sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill.

Reaksiyon ito ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP- National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), sa mga ulat na may 160 miyembro ng faculty ng Ateneo de Manila University (ADMU) na lantarang sumusuporta sa RH bill na mahigpit namang tinututulan ng Simbahang Katolika.

Ayon kay Pabillo, ang RH bill ay hindi lamang political issue para sa Simbahang Katoliko kundi moral issue dahil ito ay tungkol sa relasyon sa Diyos, sa kapwa at sa buhay.

Iginiit pa nito na kung ang isang tao ay nasa Simbahan ay dapat na makiisa siya sa gawain nito lalong-lalo na sa paninindigan para sa buhay.

Ikinalulungkot naman ng Obispo ang pagmamalaki ng mga professor ng ADMU na sila ay mga guro ng isang Catholic school pero iba naman ang kanilang paninindigan o taliwas sa Catholic Church teachings.

“Nakakalungkot ito na sinasabi nila na sila ay mga guro ng Catholic schools, pagkatapos iba yung kanilang mga pinaninindigan na hindi naaayon sa katuruan ng Simbahan,” ani Pabillo, sa panayam sa radyo.

“Kaya kung sila ay isang grupo, sumunod tayo sa  katuruan ng grupong iyan, sa patakaran ng grupong iyan kasi kung hindi parang kakulangan ng intellectual honesty, now maging honest tayo, kung nasaan tayo, dahil nga kung sumusunod tayo sa grupong yan, sumunod tayo sa tuntunin. Kung hindi tayo sumunod sa tuntunin ay huwag tayong sumama sa grupong iyan,” ayon pa kay Pabillo.

Binigyang-diin pa ng CBCP official na kung nasa Catholic school ka ay dapat kang sumunod sa itinuturong morality ng simbahan dahil bago naman aniya sila nagsimulang magtrabaho sa isang Catholic school ay sumang-ayon silang sumunod sa mga panuntunan nito.

“Kung nasa morality tayo ay susunod tayo ayon sa nagtuturo sa ating Simbahan. Kaya nga ito intellectual honesty, kung sumasang-ayon ka sa ganyang katuruan ay okey lang! Kung hindi ka sumasang-ayon ay lumabas ka sa grupo kasi di ka sumusunod sa katuruan,” aniya pa.

Inihayag din ni Pabillo na ang hindi pagsunod ng mga guro ng ADMU sa Simbahang Katoliko ay malinaw na kulang ang mga ito sa formation.

Aniya, ang problemang ito ay dapat tingnan at solusyunan ng pamunuan ng paaralan at ng Simbahan.

Samantala, muli namang nanindigan ang pamunuan ng ADMU na hindi sila pabor sa kontrobersiyal na RH bill, na mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko.

Ayon kay ADMU president Fr. Jose Ramon Villarin, SJ, hindi nagbabago ng posisyon ang unibersidad na kontra sa artificial contraception measure, kaagapay ang Simbahang Katoliko.

“Together with our leaders in the Catholic Church, the Ateneo de Manila University does not support the passage of House Bill 4244 (The Responsible Parenthood, Reproductive Health and Population and Development Bill),” ani Villarin, sa isang pahayag nito na nakapaskil sa website ng CBCP.

Hinimok rin nito sa pamamagitan ng isang memorandum ang mga professor ng unibersidad na pagnilayan nilang mabuti ang kanilang pagsuporta sa RH bill.

Naninindigan din ang pamunuan ng ADMU na kanilang dadalhin sa korte ang anumang kuwestiyunableng probisyon ng RH bill kapag ito ay makalusot sa period of amendments.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply