CBCP nalungkot sa nangyari kay Robredo

NABABAHALA at nalulungkot maging ang mga Catholic bishops sa nangyaring pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at mga kasamahan nito.

Habang isinusulat ang balitang ito ay pinaghahanap pa rin si Robredo at ang mga kasamahan nitong piloto, matapos na bumagsak ang sinasakyang eroplano sa karagatang sakop ng Masbate bago pa makapag-emergency landing sa Masbate City airport nitong Sabado ng hapon.

Labis naman itong ikinalungkot ng mga Obispo at ayon kay Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad, nitong Biyernes ay nagpadala pa sa kanya ng isang text message si Robredo kaugnay nang nakatakda nitong pagbisita sa kanilang lalawigan sa Agosto 21.

“He would come to Basilan to act and respond to the pastoral letter I issued last August 14 concerning the deteriorating peace and order in the province,” ayon kay Jumoad.

Sinabi pa ni Jumoad na si Robredo lang ang nag-iisang Cabinet Secretary na personal na bumibisita sa kanya kapag nagtutungo ito sa Basilan.

Samantala, sinabi naman ni Masbate Bishop Jose Salmorin Bantolo na nalulungkot siya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ng mga rescuer sina Robredo.

Tanging ang tauhan lamang ni Robredo na kinilalang si P/Senior Inspector Jun Abrasado ang nahanap at kasalukuyang nasa pagamutan.

Nabatid na bago mag-crash ang eroplano ay pauwi sana si Robredo sa Naga City mula sa Cebu para dumalo sa awarding ceremony para sa kanyang anak na nagwagi sa isang swimming competition.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply