Christine Reyes, 4 pa, sinibak sa paglustay ng pondo

ANTIPOLO, Rizal – Sinibak na sa pwesto at tinanggal ang lahat ng benepisyo ng pamahalaang panglalawigan ng Rizal, ang kapangalan ng sexy actress na si Christine Reyes, kasama ang apat na kahera at kolektor dahil sa paglustay ng pondo ng pamahalaan.

Ayon sa report, kinasuhan na rin ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal ang mga ito.

Bukod kay Reyes na isang kolektor, kinasuhan ng malversation of public funds ay ang mga kahera ng Angono General Hospital (ngayon ay kilala bilang Rizal Provincial Hospital-Angono Branch) na sina Virginia Payumo na naninirahan sa Carebi Subdivision sa Angono; Nancy Celerian na nakatira sa Sta. Mesa, Manila; at Willardo Paralejas mula sa barangay Pila-Pila, Binangonan.

Sina Reyes at Payumo ay kinasuhang kriminal sa ilalim ng revised Penal Code at nagpalabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa dalawa.

Ang parehong kaso ay naisumite na rin sa Ombudsman para sa kaukulang aksyong-legal.

Sa kabilang dako, ang mga demand for restitution ay nai-isyu na rin laban kina Celerian at Paralejas na nagsimula pa noong Agosto 31 nang nakaraang taon.

Sa ngayon, nakiusap na si Reyes na makapagbayad muna ng halagang Php 50,000.00 bilang paunang kabayaran sa nawawalang koleksyong Php 691,750.00.

Pero nananatili ang posisyon ng pamahalaang panlalawigan na kailangan ni Reyes na bayaran ang kahit man lang kalahati ng halagang nabanggit, at ang balanse ay dapat bayaran ng installment.

Samantala, ang warrant of arrest ni Payumo ay hindi pa naihahain sa kanya dahil sa ang akusado ay nasa labas ng bansa at wala pang naisasagawang arraignment.

Ang kasong kriminal naman ni Celerian na malversation, dishonesty at forgery, ay naihain na at tinanggal na ito sa serbisyo at kasama ang benepisyo sa pagreretiro nito.

Sa kabilang dako, naibalik na ni Paralejas ang buong halagang Php 231,794.00, ngunit tinanggal pa rin siya sa trabaho dahil na rin sa kanyang ilegal na ginawa.

Muling nagbabala si Rizal Gob. Jun Ynares na anumang gagawing ilegal ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan ay hindi palalagpasin at sila ay mananagot sa batas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply