Criminal justice system sa bansa, mahina – CBCP

NANINIWALA ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na humihina ang criminal justice system sa bansa matapos na taasan ng Malacanang ang pabuya para madakip ang pitong high-profile fugitives sa bansa.

Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action – Justice and Peace (NASSA), ang social action arm ng CBCP, hindi dapat na nagbigay ng pabuya ang pamahalaan para sa pagdakip ng mga naturang pugante dahil ito’y istriktong police work lamang dapat.

Giit niya, ang dapat ay ipakita ng pamahalaan ang pagiging epektibo ng criminal justice system sa bansa at patunayan ang kakayahan ng mga awtoridad sa pagdakip ng mga kriminal.

“The government should really show the effectiveness of the criminal justice system and prove the capabilities of our authorities in arresting criminals,” ani Gariguez.

Iginiit pa ng CBCP official na ang intelligence gathering ng pamahalaan ay may sapat na pondo at ang pagkabigo ng mga alagad ng batas na maaresto ang mga pugante ay pagkabigo rin ng mga ito na gampanan ang kanilang tungkulin.

“Now, if the result is not good then there is a problem with the system that’s why they can’t make arrests,” paliwanag pa ni Gariguez.

Nauna rito, itinaas ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa P2 milyon ang pabuya para maaresto ang tatlong high-profile fugitives na sina retired army general Jovito Palparan, dating Palawan Gov. Joel Reyes, at Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr..

Nag-alok din ito ng P2 milyong reward money para sa impormasyong makapagtuturo sa kinaroroonan ng housing developer na si Delfin Lee at ipinaalala rin na may tig-P5.6 bounty  sa ulo nina communist leaders Benito Tiamson at George Madlos.

Sa kabila nito, umaasa naman si Gariguez na madadakip na ng mga awtoridad ang mga naturang pugante, partikular na si Palparan.

“The Aquino administration should do its serious resolve to really get all these wanted elements,” ani Gariguez.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply