Daan-daang pamilya, puwersahang inilikas dahil sa pagtaas ng tubig sa Marikina River

PUWERSAHANG inilikas ng rescue team ang daan-daang pamilya dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Marikina River.

Ang mga apektadong pamilya ay nanunuluyan ngayon sa H. Bautista Elementary School sa Brgy. Concepcion Uno na tinatayang nasa 357 pamilya habang ang 43 pamilya ay nananatili ngayon sa Concepcion Integration School.

Inilikas naman ang ibang pamilya sa Malanday Elementary School at sa Bulelak Gym.

Samantala, ibinaba na sa ikalawang alarma ang lagay ng sitwasyon sa Marikina River matapos bumaba sa 16.8 meters mula sa 17 meters na naitala kaninang madaling araw.

Kaugnay nito nagpapakawala pa rin ng tubig ang Ambuklao, Binga at San Roque Dams.

Ayon sa Hydromet Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakabukas pa rin ng tig-tatlong metro ang tatlong gate ng Binga dam.

Nagpapakawala ito ng 410 cubic meters per second na dami ng tubig at nasa 574.39 meters na ang lebel ng tubig nito.

Naglalabas naman ng 500 cubic meters per second na dami ng tubig ang San Roque Dam kung saan dalawang gate nito ang nakabukas ng tig 1.5 na metro.

Sa kasalukuyan ay nasa 283.55 meters ang lebel ng tubig nito, bahagyang mas mataas sa spilling level na 280 meters.

Dalawang gate na may tig-dalawang metro naman ang nakabukas sa Ambuklao Dam na nagpapakawala ng 260 cubic meters per second na dami ng tubig. Nananatili sa 751.69 meters ang lebel ng tubig nito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply