Dalawang mukha ng Pinoy

MAHIRAP talagang intindihin ang ugali nating mga Pinoy.

Sa kasagsagan ng mga pagbaha kamakailan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at sa iba pang panig ng bansa, napuno ang mga diyario, radyo at telebisyon ng mga balita tungkol sa kabayanihan ng marami sa ating mga kababayan.

Marami ang nagtaya ng buhay nila lalo na iyong rescuers para iligtas ang buhay ng kapwa nila sa gitna ng rumaragasang tubig na dulot ng pagbaha.

Nakita rin natin ang kabaitan at pagiging matulungin ng marami na nagbukas ng kanilang mga tahanan para sa mga kapitbahay nila na inabot ng baha.

Maraming private organization din ang kumilos para mangalap ng mga donasyon na ipinamahagi naman nila sa mga naging biktima ng pagbaha. Pati nga mga preso sa National Bilibid Prisons (NBP) ay nakiisa at ipi-nagpaliban pa ang isang meal nila para ibigay rin sa mga biktima.

Sa madaling salita ay nakita natin ang likas na ugali nating mga Pinoy na matulungin at buhay na buhay pa rin ang espiritu ng bayanihan sa ating bayan.

Pero ang masakit nito, hindi pa natatapos ang problema sa pagbahang iyan ay naglabasan naman ang balita ng pagsasamantala ng Pinoy sa Pinoy.

Kahapon ay nagsagawa ng pag-iikot sa iba’t ibang palengke ang mga taga-Department of Trade and Industry (DTI) at mga taga licensing and permits ng local government units (LGUs).

At sa surprise inspection nila ay nakakumpiska ang mga awtoridad ng daan-daang mga tampered na timbangan. Ibig sabihin ay nagsasamantala ang mga negosyanteng ito at nandadaya para kumita ng mas malaki sa mga itinitinda nilang produkto.

Ang iba naman ay sadyang itinatago ang mga paninda nila para magkaroon ng artificial shortage at sa ganoon ay maibenta nila ng mas mahal ang kanilang mga paninda.

Maliban pa roon ay nagkalat din ang mga magnanakaw sa iba’t ibang mga subdivision na inabutan ng baha gaya ng Provident Village sa Marikina at iba pa. Inaabangan ng mga kurimaw na ito ang paglisan ng mga may-ari ng bahay at sasamantalahin naman nila iyon para magnakaw.

Tsk!tsk!, ,mahirap talagang intindihin ang mga pinoy habang ang iba ay nagkukumahog na tumulong sa mga biktima, ang iba naman ay nagkakandarapa para kumita sa kalbaryo ng kapwa nila.

Ito siguro ang dahilan kung kaya talagang mahihirapan tayong umunlad bilang bansa.

Wala talaga tayong pagkakaisa bilang bansa, at di gaya ng ibang mga lahi mas inuuna natin isipin na makalamang muna bago isipin ang tumulong sa iba.

Sana naman ay magbago na tayong mga pinoy at sa halip na maggulangan ay dapat unahin muna natin na isipin ang kapakanan ng mas nakakarami para naman tuluyan ng maging maayos at maunlad ang ating buhay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply