DOH: ‘Code blue alert’ sa lahat ng govt hospitals, facilities

KASUNOD nang walang tigil na pag-ulan sa Kamaynilaan na dulot ng southwest monsoon o habagat, itinaas na ng Department of Health (DOH) sa ‘Code Blue Alert’ ang lahat ng government hospitals at mga health facilities sa Metro Manila.

Ayon kay DOH Center for Health Development – National Capital Region (CHD-NCR) Regional Director Eduardo Janairo, itinaas na nila ang alerto bunsod na rin ng serye ng mga pagbaha sa iba’t ibang lugar sa rehiyon at pagdami ng mga residenteng naapektuhan na ng malakas na pag-ulan.

Nabatid na sa ilalim ng Code Blue Alert, ang mga medical personnel ay dapat na 24-oras na naka-duty at ang mga medicine at medical supplies ay handang-handang ipamahagi sa mga apektadong residente.

Ang mga pagamutan at mga community health units naman ay dapat nakahandang tumanggap ng biglaang pagdami ng mga casualties habang ang mga DOH operation centers (DOH-OPCEN) ay nag-o-operate naman ng 24/7 basis at masusing nag-uugnayan ang mga local government units, emergency and disaster units at ang Armed Forces para sa mas epektibong pagtugon sa mga kalamidad.

Sinabi ng regional director na bibisita ang kanilang mga community health teams (CHTs) sa mga LGUs upang magkaloob ng mga medical assistance sa mga residente na apektado ng baha.

Partikular na ipagkakaloob ay ‘leptospirosis prophylaxis’ sa mga evacuation area upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng leptospirosis.

Kaugnay nito, mahigpit ding pinayuhan ni Janairo ang mga residente sa mga apektadong lugar, partikular ang mga lubog na sa baha, na makipag-ugnayan sa kanilang mga LGUs at kaagad na magsilikas para matiyak ang kanilang kaligtasan, pati na ng kani-kanilang pamilya.

Giit ni Janairo, ang buhay ng bawat isa ang dapat na maging prayoridad sa ganitong panahon mg kalamidad.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply