DOH: ‘Pinas, malaria-free na sa 2020’

NAGPAHAYAG ng kumpiyansa si Health Secretary Enrique Ona na magiging malaria-free na ang bansa pagsapit ng taong 2020.

Ang pahayag ay ginawa ni Ona na makapagtala ang DOH ng 80% pagbaba ng malaria cases sa bansa noong taong 2011 kumpara sa taong 2003.

Ayon sa kalihim, ito na ang pinakamababang malaria level na naitala nila sa bansa sa loob ng 42 taon.

“This decrease is the lowest malaria level on record for the country in 42 years, with only 9,642 cases in 2011 as compared to 43,441 in 2003,” aniya pa.

Nangangahulugan lamang aniya ito na nakamit na nila ang Millennium Development Goal #6 ng bansa na matigil at ma-reverse ang incidence ng malaria hanggang taong 2015.

Iniulat rin ni Ona na sa 58 lalawigan na kasalukuyang nakalista bilang endemic, siyam ang umabot na sa elimination status o wala nang naitalang malaria cases sa loob ng tatlong taon.

Kabilang sa mga lalawigan na nasa elimination status na ay ang Abra, Batanes, Camarines Sur, Cavite, Dinagat, Laguna, Misamis Oriental, Quirino, at Romblon.

Nabatid na nasa 40 lalawigan naman umano ang patungo na sa elimination status matapos na makapag-ulat ng ‘less than one case per 1,000 population-at-risk,’ habang ang 10 lalawigan naman ang nag-report na ang kaso ng sakit sa kanilang mga lugar ay under control na.

Ayon sa DOH, dalawang lalawigan na lamang na kinabibilangan ng Palawan at Tawi-Tawi ang nag-report na mayroon silang mahigit sa 1,000 kaso ng malaria kada taon.

May apat na lalawigan naman ang mayroong mahigit 100 kaso ngunit hindi hihigit sa 500 kada taon, na kinabibilangan ng Sulu, Maguindanao,  Mindoro Occidental, at Zambales.

“Based on these data, the Philippines has a very high possibility of being declared malaria-free by 2020,” pahayag pa ni Ona.

Kaugnay nito, pinulong na rin ni Ona ang lahat ng provincial governors sa mga malaria-endemic provinces, at 10 mayor ng mga lungsod na apektado ng malaria, gayundin ang health officials mula sa regional, provincial, at city health offices, at international partners, upang magplano para tuluyan nang masugpo ang sakit sa bansa.

Nabatid na ang malaria ay isang sakit na sanhi ng parasite na Plasmodium na naililipat sa tao mula sa kagat ng infected Anopheles mosquitoes.

Maaari rin umano itong makuha ng sanggol mula sa sinapupunan ng kanyang ina o hindi kaya ay sa blood transfusion.

Kabilang sa sintomas nito ay mataas na lagnat, pangingiki, flu-like symptoms, anemia, dumi na may dugo, pagkahilo at pagsusuka.

Bagama’t nagagamot ang sakit na malaria sa pamamagitan ng mga anti-malarials medicine, nagbabala naman ang DOH na maaari rin itong makamatay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply