DOH: Tambak na basura i-spray-an ng disinfectant

I-SPRAY-AN ng disinfectant ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) ang mga hindi nakokolektang tambak ng basura sa Metro Manila upang hindi bumaho at langawin ang mga ito na maaaring maging dahilan ng pagkalat ng iba’t ibang uri ng sakit.

Ang mga naturang basura ay sinasabing naipon matapos ang mga naranasang pagbaha sa Metro Manila na dala ng patuloy na pag-ulan dahil sa Habagat noong nakaraang linggo at bagyong Helen, at hindi pa nakokolekta hanggang sa ngayon.

Sinabi naman ni DOH-NCR Regional Director Eduardo Janairo na alam ng DOH ang peligrong hatid ng mga tambak na basura na ang iba ay malapit pa sa mga paaralan, health centers at mga karinderya kung kaya’t agad nila itong aaksyunan sa pamamagitan ng pag-spray dito ng lauryl dimethyl benzyl ammonium chloride, isang uri ng disinfectant.

Idinagdag pa nito na mabilis na kumakalat ang sakit hatid ng tambak na basura dahil sa mabaho nitong amoy at ang presensya ng mga lumilipad na langaw na nagpapabalik-balik sa basura at dumadapo naman kung saan saan.

Kung maiispreyan umano ng disinfectant ang mga basura ay hindi ito lalangawin at mababawasan ang mabahong amoy nito.

Maging ang katas umano ng basura ay hindi na rin magiging sobrang peligroso lalo na sa mga basurero na humahakot nito.

Sa kabila naman ng aksyon ng DOH ay umaasa pa rin si Janairo na agad ding mahahakot ng mga local government units ang mga naturang basura sa oras na maibalik na sa normal ang operasyon ng mga ito.

Uunahin umanong puntahan ng DOH para ispreyan ang mga tambak na basura sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at kaagad na isusunod ang Tondo, Manila kung saan naiulat na bawat kanto ay mayroong mga nakatambak na basura, na mapanganib para sa kalusugan ng publiko lalo na sa mga bata.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply