DOLE sa employers: Pay rules sa Agosto 20, 21 at 27 sundin

NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na tiyaking makasusunod sila sa itinakdang pay rules para sa Lunes, Agosto 20; Martes, Agosto  21; at Lunes, Agosto 27 2012 na pawang deklaradong holiday.

Una nang idineklara ng Malakanyang ang Agosto 20 na isang regular holiday dahil sa selebrasyon ng pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr, habang ang Agosto 21 naman ay isang special non-working day na idineklarang Ninoy Aquino Day at ang Agosto 27 naman ay isang regular holiday bilang paggunita sa Araw ng mga Bayani.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, ang mga empleyado ay dapat na bigyan ng kanilang mga employer ng tamang pasweldo at benepisyo para sa mga nasabing araw.

Sa labor advisory ng DOLE, kung ang isang empleyado ay hindi papasok sa Agosto 20 at 27 na isang regular holiday, siya ay makakatanggap ng 100 porsyento ng kanyang arawang sahod.

Kung pumasok naman ang isang empleyado para sa araw na mga nabanggit ay makatatanggap siya ng 200 porsyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong (8) oras at karagdagang 30 porsyento kung lalagpas sa walong oras ang ipagtatrabaho.

Kung natapat naman sa rest day ng isang empleyado at pumasok pa rin siya ay makakatanggap ito ng 200 porsyento ng kanyang arawang sahod at karagdagan pang 30 porsyento.

Para naman sa Agosto 21 na isang special non-Working holiday, ay paiiralin ang “no work, no pay” policy  kung hindi magtatrabaho ang isang empleyado para sa nasabing araw maliban na lamang kung may umiiral na collective bargaining agreement (CBA).

Kung papasok naman ang isang empleyado sa nasabing araw ay makatatanggap ito ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras.

Kung natapat naman sa rest day ang nasabing araw at pumasok ang isang empleyado ay makatatanggap siya ng 50 porsyento ng kanyang arawang sahod at karagdagang 30 porsyento kung lalagpas sa walong oras.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply