Sen. Drilon sa DOJ: ‘Munti’ ibenta na

IPINABEBENTA na ng senador sa Department of Justice ang National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa na nakatayo sa mahigit $1 bilyon halagang ari-arian.

Sa panayam, sinabi ni Senador Franklin Drilon na kailangan nang maibenta ang NBP na sumasakop sa mahigit 551 ekataryang prime land sa Muntinlupa upang makakalap ng pondo ang pamahalaan sa pagtatayo at pagpapaunlad ng regional prison system sa buong bansa.

“Sa prison system, tayo ang may pinakamahal na kulungan sa bahaging ito ng mundo. Nakatayo ang Muntinlupa prison sa isang ari-arian na nagkakahalagang $1 bilyon,” ayon kay Drilon.

“Maaaring magamit natin ito nang mas mahusay. Kaya dapat nang ibenta ang Muntinlupa prison system property. Kayang hawakan ito ng Privatization Management Office (PMO),” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na kapag naibenta ang NBP, hindi lamang mapapaluwag ang kasalukuyang kulungan ng bansa na may mahigit 36, 295 preso, kundi magkakaroon pa ng pondo ang pamahalaan.

“What we indicate is that there is every sense in implementing a regional prison system not only to decongest our prison system, but also for purposes of freeing a very important asset of the government,” aniya.

Nakatayo ang NBP sa tabi ng Ayala-Alabang Property, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Department of Health, Madrigal Business Park at Alabang Festival Mall.

Ikinatuwiran ni Drilon na mas magiging mahusay ang rehabilitasyon ng mga preso kung mabibisita sila ng kanilang kaanak sa mga regional prison system na maaaring itayo sa pamamagitan ng pondong kikitain sa pagbebenta ng NBP.

“Certainly people in Visayas and Mindanao have difficulty going to Muntinlupa to visit their prison relatives. There is a renewed call for the regionalization of prison system,” aniya.

Sa ngayon, umaabot sa 36, 295 preso sa lahat ng kulungan sa bansa na may kapasidad lamang na 17, 719 preso.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply