Eye bank, kakasuhan sa pagkuha ng mata ng patay ng walang pahintulot

NAKATAKDANG maghain ng kasong sibil at kriminal ang pamilya ng napatay na SK Chairman sa Makati City, laban sa Eye Bank Foundation of the Philippines at sa isang punerarya makaraang malaman na kinuha ang mga mata ng bangkay ng kanilang kaanak.

Ayon kay Joni Infante, ina ng napatay na SK Chairman na si Jason Infante ng Barangay Valenzuela sa Makati City, dinala umano ang kanilang anak sa punerarya Filipinas para ma-awtopsiya . Matapos ang awtopsiya ay napuna nila na lumubog ang mata nito, at ng kanilang tanungin ang mga tauhan ng punerarya wala umano silang alam sa pangyayari, sa ginawa ng Eye Bank Foundation sa kanilang anak.

Ikinagalit umano ng pamilya Infante ang ginawang pagkuha sa mata ni Jason , dahil hindi man lamang nagpaalam ang Eye Bank Foundation sa kanila bilang paggalang sa kanilang pamilya at sa labi ng SK Chairman na itinuturing ng pamilya na sagrado.

Sa pahayag ng Eye Bank Foundation, sinabi ni Dr. Minguita Padilla na may pahintulot umano ng medico-legal ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kanilang ginawa at buong paggalang umano nilang isinagawa ang pagkuha sa cornea lamang ng mga mata ni Jason Infante.

Nakahanda umano nilang harapin ang kaso na isasampa laban sa kanila.

Ayon naman kay Atty. Claire Castro, legal counsel ng mga Infante, nakasaad sa isang probisyon ng RA 7885 na kailangan ipaalam sa mga kaanak ng namatay ang pagkuha ng mga cornea nito sa loob ng 48 oras. Nasa labas lamang umano ng punerarya ang mga Infante habang isinasagawa ang awtopsiya sa kanilang anak.

Kakasuhan din ang punerarya Filipinas kung saan isinagawa ang iligal na pagtatanggal sa mata ng biktima ng hindi man lamang ipinaalam sa pamilya nito.

Napatay ang SK Chairman sa pananaksak nuong Agosto 12 sa Makati City, sa pag-awat sa isang away ng mga kabataan sa kanilang barangay .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply