Filipino hero in foreign land

Pinoy – tagapangalaga ng kapayapaan sa ibang bayan!

Nang minsang magtungo ako sa Chicago ay nakilala ko ang isang Filipinong pulis doon – si Detective Edwin Dantes.

Tubong Cabanatuan City ang pamilya ni Edwin. Isang nurse ang kanyang ina at ang kanyang ama naman ay isang pulis sa kanilang bayan. Nang ipetisyon ng isang ospital sa Chicago ang kanyang ina upang doon na magtrabaho ay sumunod doon ang kanilang ama.

Taong 1969, sa edad na pito ay nakarating at nagsimulang manirahan si Edwin sa Chicago kasama ang kanyang dalawa pang kapatid. Pinetisyon sila ng kanilang mga magulang.

Sa nasabing bansa na siya nag-aral at lumaki. At bagama’t noong una ay nahirapan siya sa pag-a-adjust sa lengguwahe doon, hindi nagtagal ay nakasanayan na rin niya ito.

Wala sa plano ni Edwin ang maging isang pulis, subalit tila nasa dugo nga yata niya ito sapagkat noong nasa kolehiyo siya ay naisipan na niyang pumasok sa military bilang miyembro ng security police sa airforce. “Noong una nasa airforce ako, apat na taon akong nasa Clark airbase,” kwento niya.

Sa Clark Airbase sa Pampanga niya piniling magpadestino sapagkat  nais niyang  makauwi sa bansa. Matapos ang kanyang destino sa Clark, bumalik siya sa U.S. Doon niya naisipan na maging isang pulis. Noong una, sa suburbs siya nadestino bilang isang patrolman, subalit nalipat siya sa Chicago.

Mula sa kwento ni Edwin ay aking napagtanto na hindi biro ang pinagdaraanan ng isang pulis, sapagkat bukod sa pag-aaral at pagpasok sa academy ay kinakailangan ding maipasa ang iba’t ibang physical exam at training.

“Paglabas ko sa academy, may FTO (Field Training Officer).  Kailangan na sa loob ng tatlong buwan, may kasama kang FTO bago may one year probation,” saad niya.

Iba’t ibang departamento rin ang napasukan niya, kabilang na rito ang street crime and fake program unit at tactical team, na naglalayong alisin ang mga gang, drug at mga baril sa kalsada upang mabawa-san ang karahasan.

Mula sa pagiging  isang patrolman na  gumagawa  ng mga preliminary investigation sa isang kaso ay naging FTO siya at naibahagi niya ang kanyang kaalaman at naging gabay ng mga bagong pulis. Hindi nagtagal ay nagbunga ang mga pagsisikap ni Edwin sapagkat mula sa pagiging isang FTO ay muli siyang na-promote at naging isang detective.

Kinailangang muling sumai-lalim sa training at pag-aaral sa detective school ni Edwin upang higit na magkaroon ng kaalaman sa trabahong hahawakan niya, at dahil sa tiyaga at pagsisikap ay nalagpasan niya ang mga pag-subok na iyon.

Hindi madali ang trabaho ng isang detective na gaya ni Edwin, sapagkat bukod sa posibilidad na balikan siya ng mga criminal na inaresto niya ay mabigat na tungkulin rin ang nakaatang sa mga balikat niya- ang maglingkod sa bayan at siguraduhing ligtas ang mga mamamayan- ngunit kung may puso at compassion na nararamdaman para sa pagseserbisyo sa kapwa nasa sariling bayan man o hindi, kahit gaano pa kabigat na tungkulin ay magiging magaan.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply