Ginapiko, ginapala at ginatunganga

NAKAAAWA talaga ang mahal kong Pinas sa oras ng kalamidad at disgrasya.

Hindi lamang ginapiko at ginapala ang pag-search and rescue.

Ginatunganga rin.

GINATUNGANGA

Sa ating paningin, mga Bro, tumunganga lang ang mga awtoridad sa mga kritikal na oras pagbagsak ng sinasakyang eroplano ni DILG Sec. Jesse Robredo.

Akalain ba nating inabot na ng dilim ang pagdating ng mga search and rescue teams na tinawag at inorganisa ng mga awtoridad sa lugar.

Puro mangingisda ang kumilos at gumawa ng paraan ng maraming minuto at oras para sa nasabing trabaho.

Nang dumilim at gumabi na, mahihina rin pala ang ilaw ng Philippine Navy at Coast Guard.

Kinakailangan pa ang spot light ng mga basnig na bangkang pangisda.

Umaabot kasi umano ng malalim ang ilaw ng basnig at hindi kaya ito ng ilaw ng mga navy at coast guard.

Ano ba yan!

INUTIL NA SAFETY NETS

Sa Masbate airport dapat lalapag sina Robredo nang makaramdam ang mga ito ng problema sa Piper plane (hindi Cessna na nabanggit natin kahapon) na sinasakyan nila.

Maaari umanong iniwasan ng mga piloto ang mag-emergency landing sa airport kaya sa dagat na lang sila dumiretso sa paniniwalang mas ligtas sila.

Malapit lamang sa airport, mga Bro, ang binagsakan ng eroplano at nasa 200-300 metro lang din ang layo sa pampang iyon.

Dahil malapit sa dagat ang airport, nakapagtataka lang na walang mabilis na rescue team na sumaklolo sa mga nadisgrasya.

Ang tanong lang ng ating uzi, eh, wala bang rescue team na para sa dagat ang Masbate airport?

At kung meron man, nasaan sila nang nagkaroon ng disgrasya?

Pagdating sa gamit, siyempre, maliwanag na wala o kulang o walang silbi ang kanilang mga gamit.

ORAS NG SISIHAN

Ang sabi nila, hindi oras ng sisihan ngayon.

Tama.

Pero bakit tuwing may disgrasya ay wala tayong magawa?

Lalo na sa parte ng pamahalaan?

Ano-ano na ba ang nangyayari sa pamahalaan?

Bakit karaniwang ginapiko, ginapala at ginakamay ang mga landslide?

Bakit walang sapat na makinarya at gamit ang pamahalaan para sa mabilis na emergency?

‘Yung mga binabaha nga na nasa bubong lang ng kanilang mga bahay pag may baha ay hindi rin mapunta-puntahan.

‘Di lalong hindi nila magawan ng paraan ang isang lugar na katulad ng binagsakan nina Sec. Robredo?

At halimbawang hindi si Sec. Robredo ang nadisgrasya, hindi kaya basta ipagpabukas-bukas na lang ng mga kinauukulan ang search and rescue operation?

SA BACKHOE MABILIS

Diyan lang yata sa backhoe mabilis ang mga inutil na kinauukulan.

Naalaala kasi natin ang paggamit ng backhoe ng mga Ampatuan nang masakerin nila ang nasa 58 katao, kabilang na ang 34 mediamen sa Maguindanao.

Sa ibang salita, sa paninira sa iba mabilis ang mga kinauukulan.

Kung manira sila ng buhay ay ganun na lamang.

Kumpleto na sila sa gamit, mabilis pa ang kanilang pagkilos.

Hindi lang sa pagmasaker kundi sa paninira at pagpapalayas sa isa’t isa sa puwesto sa pamahalaan.

KORAPSYON AT PANDARAMBONG

Maalaala rin natin, mga Bro, ang mga animal na korap at mandarambong.

Kung hindi sana ninanakaw ng mga ito ang salapi ng bayan, marahil ay may kahandaan na tayo laban sa mga kalamidad at disgrasya.

Karaniwang sa kamay ng mga pulis at militar ipinapapasan ang pangunahing responsibilidad para sa mabilis na pagkilos sa mga disgrasya at kalamidad.

Pero ang nagaganap ay nagiging inutil ang mga ito sa kawalan o kakulangan ng mga gamit at pondo.

O ang pagkakaroon ng mga substandard na gamit.

kabilang sa mga substandard na gamit ang mga rubber boat na madaling mabutas habang ginagamit ang mga ito.

‘Yung mga rubber boat naman na marami ay hindi magamit dahil pag ikinabit mo ang mga makina rito, lulubog naman na walang butas sa bigat ng mga makina.

SUNDALO AT PULIS ANG PAG-ASA

Dahil sa kanilang lakas at kasanayan sa mga kalamidad, disgrasya at gipit na kalagayan na ang boundary ay buhay at kamatayan, ang mga sundalo at pulis ang inaasahan ng lahat.

Siyempre pa, andiyan din ang iba pa gaya ng mga nasa Red Cross.

Pero sa hanay ng mga sundalo, paano magka- karoon ang mga ito ng mga kasanayan at gamit kung ang para sa kanila ay ninanakaw at dinaraya ng mga opisyal ng pamahalaan?

MODERNIZATION FUND AT IBA PA

Nasaan na nga ba ang P8 bilyong para sa modernisasyon ng militar?

Naibalik na ba ng mga lintek na heneral ang mga kanilang mga pasalubong at pabaon na umaabot pala ng daan-daang milyong piso?

Puno rin umano ng kalokohan sa iba’t ibang kontrata ng mga militar at pulis gaya ng mga binibiling barko, eroplano, sasakyan, uniporme, baril at kung ano-ano pa.

Meron ding mga heneral sa pulisya na nadedemanda na ng daan-daang milyon na nakaw sa pondo ng pulisya.

Paano nga magkakaroon ang mga sundalo at pulis na lakas ng mamamayan kung inaalisan naman sila ng mga gamit, kasanayan at iba pang kailangan nila sa pagliligtas ng mamamayan?

Mga $*&@ kayo!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply