Gutom at kalamidad kailangang tutukan

MAHIRAP ang masiraan ng buhay, kabuhayan, ari-arian tuwing may bagyo at baha.

Nagbubunga ito ng gutom, sakit, paghinto ng bata sa pag-aaral, kamatayan, pagkabaon sa utang at marami pang kamalasan.

Kaya naman, ito ang dapat na kagyat na tugunan lagi ng pamahalaan.

Siyempre pa, huwag din nitong kalilimutan ang iba pang mga problema gaya ng pagbubukas ng mga sarado at sirang kalsada at tulay at pag-aayos ng mga paaralan na mahalaga para sa buhay pambansa ng mamamayan.

MILYONG BINAHA

Sa nagdaang mga araw, tantiya nating hindi lang libo-libo kundi daang libo, baka milyon pa, ang biktima ng bagyong Gener at mga bahang nilikha nito, kasama na ang bahang nanggaling sa karagatan.

Siyempre pa, nagpapasalamat ang mga binaha ng isa o dalawang araw lamang.

Ngunit ang mga binabaha hanggang ngayon ay napakahirap ang kanilang kalagayan.

MARAMING NAGUGUTOM

Galing sa mga taga-Obando, Bulacan ang salitang walang nanggagaling na tulong mula sa pamahalaan para sa kanila.

Sila ang binabaha hanggang sa mga araw na ito kahit lumabas na ng bansa ang bagyong Gener.

Gutom at kakapusan sa ilang batayang pangangailangan ang kanilang hinaing.

Malamang na higit na totoo kaysa kasinungalingan ang nasasambit ng mga tagaroon.

Paano naman ang mga taga-Valenzuela, Malabon at Navotas?

Ang mga taga-Pampanga at Bataan at ang mga nasalanta sa rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera paano?

Mayroon pa nga ring nabaha sa Kabisayaan at Kabikulan.

Sa mga ulat na nakararating sa atin, gutom din ang dinaranas ng marami sa mga ito.

Sapagkat katotohanan naman na makaraang makapagbigay ang pamahalaan ng kaunting noodles at sardinas, karaniwan nang wala itong maibigay sa mga susunod.

NASIRAAN NG KABUHAYAN

Ang iba’y nasiraan ng kabuhayan, mga pananim, alagang hayop at isda, kalakal, makinarya at iba pa.

Nagagawa nilang magtiis sa gutom at paghihirap.

Ang gusto lang nila ay magkaroon muli ng puhunan para sila ay makapagsimulang  muli.

AKSYON NG PAMAHALAAN

Para sa mga anakpawis na tanging ang pagbebenta ng lakas paggawa ang pinagkakakitaan, na ngangailangan ang mga ito ng kagyat na ayuda ng pamahalaan.

Sa kanilang pagkabaha, hindi sila nakapapasok sa kanilang pinapasukan.

Pero higit na nagigipit ang mga anakpawis na nasasarhan ng mapapasukan sa pagkasira sa bagyo at baha ng negosyo ng kanilang mga kompanya o amo.

Gutom ang parating ng patakarang “no work, no pay” at kamalas-malasan pa ang mapagsarhan sila ng ikabubuhay.

Ang mga nabubuhay sa araw-araw lang na kayod gaya ng pagtitinda ng kung ano-ano ay ganun din.

Sa ibang salita, ang mga ito ang nakararanas talaga ng gutom at iba pang anyo ng paghihirap.

Nasaan ang tuloy-tuloy na ayuda ng mga kinauukulan sa kanila?

Partikular ang Department of Social Welfare and Development, paano ba nito ibinabahagi sa mga ito ang bilyon-bilyong pondo nito?

AYUDA NG SSS, GSIS AT PAG-IBIG

Sa pagsubaybay natin sa kilos ng gobyerno, nauna pang mag-offer ang PAGIBIG ng calamity loan kaysa sa Social Security System at Government Service Insurance System.

Ito’y kahit na ang pabahay ang pangunahing tungkulin nito at hindi yang pagsapo sa gutom at hirap ng mga miyembro nito.

Dito natin naalaala na ang pagkabig mula sa mamamayan o kanilang mga miyembro ang inuuna pang isipin ng SSS at GSIS.

‘Yun bang === pagpapalaki ng kontribusyon ng mga miyembro upang may pantugon sila sa kailangan ng Public-Private Partnership na ang pangunahing makikinabang ay ang mga “komisyoner” sa pamahalaan at ang mga favorite nilang mga kontraktor at iba pang mga negosyante na sumasali rito.

P50 bilyong magkahiwalay na kontribusyon ang hinihiling ng PPP mula sa SSS at GSIS at halos katumbas nito ang pondo naman ng DSWD.

Sa mga araw na ito, nasaan ang pagkilos lalo na ng SSS at GSIS para ayudahan ang milyon-milyon nilang miyembro na nangangailangan ng puhunan para makabangon muli mula sa pagkakalugmok sa bagyo at baha?

STATE OF CALAMITY

Kung hindi maisipan ng mga nabanggit na ahensiya ang tumulong nang pangkalahatan sa mga biktima ng bagyo at baha, kasama na ang landslide at iba pang anyo ng masamang kalikasan, maaaring kumilos sila kung saan idinideklara ang state of calamity.

Nasaan ang kampanya ng mga ahensiyang ito para sa mabilis na pag-ayuda sa mga biktima ng kalamidad?

Siyempre pa, mga kanya-kanyang miyembro lang sa parte ng PAGIBIG, SSS at GSIS ang maaaring makinabang sa ayuda.

Ngunit ang DSWD ay inaasahan na makatutulong sa mga hindi sakop ng ibang mga ahensya.

Ang masama rito ay kung paiiralin ng mga ito ang nakasanayan na nilang higit ang pagdiskuwalipika kaysa pagbibigay-unawa sa mga dapat na benepisyaryo.

At inuunang bigyan ng pakinabang ang kanilang mga sarili at ang mga nasa listahan ng mga maiimpluwensiyang politiko.

PAKIALAMAN NI PNOY

Kung nagiging manhid ang mga ahensya ng pamahalaan sa kalagayan ng mga nakakalamidad, ang pag-asa na lang natin ay ang Pangulong Noynoy Aquino.

Umaasa tayo na susugurin niya ang mga ahensyang manhid at itutulad niya ang mga ito sa PAGASA na kailangang gumawa ng walang tigil na pag-uulat sa bayan sa panahon ng bagyo o masamang panahon.

At kailangang umabot sa masa ang pagkilos at hindi lang sa Twitter na tanging ang mga sosyal lang ang inaabot.

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 0921 4303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply