‘Helen’ umistambay muna bago nag-landfall sa Isabela

TUMIGIL muna ng ilang oras ang Tropical Storm Helen (Kai-Tak) sa Isabela kaninang madaling araw bago tuluyang tumama sa kalupaan sa nasabing probinsya, ayon sa ulat ng Phillippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (PAGASA).

Gayunman, sinabi ni PAGASA forecaster Bernie de Leon na muling bumilis ang pagkilos ng bagyong Helen habang tumawid sa Northern Luzon Miyerkules ng umaga.

“Sa mga nakalipas na oras halos stationary siya sa Palanan sa Isabela area. Nagkaroon siya ng interaction sa bundok ng Sierra Madre, bumagal siya in the past few hours pero sa susunod na oras inaasahan natin kikilos ito at 17 kph west-northwest at babagtasin niya ang Northern Luzon,” pahayag ni De Leon.

Pinaigting, aniya, ng bagyong Helen ang southwest monsoon o hanging Habagat at nagdala ng mga pag-ulan sa Central at Southern Luzon, kabilang ang Metro Manila.

Sa Southern Luzon, sinabi ni De Leon na makararanas ng pag-ulan sa Mindoro, Batangas, Laguna, Cavite at Metro Manila.

Ayon sa PAGASA, magdadala ang bagyong Helen ng pag-ulan na  20 hanggang 35 mm bawat oras (intense to torrential) sa loob ng 500-km diametrong sinasakop nito.

Inaasahang lalabas, aniya, ang bagyo sa teritoryo ng Pilipinas sa Huwebes ng umaga.

Dakong alas  4 a.m., huling  namataaan ang bagyong Helen sa layong 60 km Timog Timog-Silangan ng Tuguegarao City, na may maximum sustained winds na 85 kph malapit sa sentro at pagbugso na aabot sa 100 kph.

Kikilos ito pa-Kanluran Hilaga-Kanluran sa bilis na 17 kph at maaring nasa 200 km Kanluran Hilaga-Kanluran ng Laoag City sa Huwebes ng umaga.

Sa Biyernes ng umaga, inaasahan itong nasa 600 km Kanluran Hilaga-Kanluran ng Laoag City.

Nasa ilalim ng  Storm Signal No. 2 ang Cagayan,Calayan Islands, Babuyan Islands, Isabela, Northern Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, Ifugao, Mt. Province, Ilocos Sur, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Abra,at Batanes Islands.

Signal No. 1 naman sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, La Union at  ang kabuuan ng Aurora.

Samantala, nagbabala ang PAGASA ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Mount Pinatubo area sa Central Luzon na maaaring magpalambot sa lahar deposits mula sa bulkan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply