Hindi kaya ni Garcia ang problema

MATAGUMPAY ang Subic Bay Maritime Conference & Exhibit nitong August 23-24, 2012, kung bilang at sino-sino ang nagsidalo ang pag-uusapan.

Ito Ang Totoo: naghalo-halo ang mabibigat na mga may-ari at bossing ng malalaking negosyong may kinalaman sa transportasyon at “logistics,” partikular ang “shipping” at “chain services” na nag-rehistro at nagbayad bilang delagado sa naturang aktibidad sa Subic Freeport.

“In fairness,” maaaring pakinabangan ito ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa malayong hinaharap pero kung sa kasalukuyan at malapit na hinaharap ang pag-uusapan, talo ang SBMA.

Bakit? Eh sa dinami-rami ng bigating negosyo at mga organisasyong sumali sa “Maritime Conference & Exhibit,” wala ni singko sentimos na pumasok sa kaban ng bayan.

“Organizer” daw kasi ang SBMA kaya libre ang paggamit sa may 12,000 square meters na floor area ng “Subic Bay Exhibition & Convention Center (SBECC)” bukod pa sa malawak na bakuran nitong sobra-sobra bilang “parking space.”

Aminado si SBMA Chair & Administrator Roberto V. Garcia na lugi ang operasyon ng SBMA simula’t-sapul at ngayon nga’y halos maituturing nang bangkarote kaya kung ano-anong pahirap sa “investors” at “locators” ang gustong ipatupad para lamang makalikom ng pera.

Kahit milyon-milyong pisong halaga pa ang bayarang upa sa SBECC ay sisiw sa klase ng mga “participant” na dumalo sa aktibidad, kabilang na ang “co-organizer” na Subic Bay International Terminal Corp. ng pamilya Razon na may kontrol din sa “Manila International Container Port.”

Kasama rin sa aktibidad ang mga bigating SGS, Ayala Land Premier, Manila North Tollways Corp., Cebu Pacific Cargo, PTT, Hino, MAN at marami pang iba na may mga booth pa sa loob mismo ng SBECC tulad ng Hyundai na ibinebentang kotse pa mismo ang naka-display.

Ayon na mismo kay Raymund Silvestre ng Subic Bay International Terminal Corp. (SBITC), kulang sa pasilidad ang Subic Bay Freeport tulad ng “refrigeration” bukod pa sa maluluwag na lansangan para mati-wasay na maraanan ng naglalakihang “cargo” at “trailer trucks.”

Ibig sabihin, kahit makailang beses na magkaroon ng “maritime conference & exhibit” sa Subic Bay Freeport, mahihirapan itong humikayat ng gagamit sa nilalangaw nitong “seaport” at “airport” hangga’t hindi napupunuan ang mga kakulangan.

Nagsasayang na nga ng pera, ipinalilibre pa ng salat sa pondong SBMA ang mga pasilidad nito habang ang iba ay kumikita ng pera at malamang, kasama ang ilang opisyal ng SBMA, hindi po ba Chairman Garcia?

Ito ang malaking problema sa mga nagpapatakbo ng SBMA – sa halip na kumita, gumagastos pa tulad ng pag-sponsor noong nakalipas na panahon sa isang national beauty pageant kung saan inilibre na ang upa sa mga pasilidad ng SBMA, nagpaluwal pa ng “cash”
na  milyon-milyon  piso bilang donasyon.

Malaki talaga ang problema sa ahensyang SBMA at mukhang hindi ito kaya ni Garcia na tila “one-man band” na pinababayaan lamang ng karamihan sa mga kasamahan niya sa “board,” hindi po ba Director Ramy Diez Sesdoyro?

Sa dami ng kapalpakan ni Garcia, hindi magkakasya sa es-pasyo ng ating kolum sa susunod na isang taon kung puro iyon na lang ang isusulat natin, Diyos na mahabagin, bagay na ayaw nating gawin.

Dapat nang kumilos agad si Pangulong Noynoy Aquino para hindi na tuluyang malubog ang SBMA at Subic Freeport, na sa kabila ng magandang lokasyon at kasaysayan bilang dating base ng U.S. Navy, ay tinatalo pa ng kontrolado ni  Senate President  Juan Ponce Enrile na Port Irene na matatagpuan sa isang liblib na malayong lugar sa Cagayan. Ito Ang Totoo!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply