Humagilap ng maitutulong; pamahalaan dapat makialam

MARAMI ang gagawin para sa mga biktima ng kalamidad sapagkat hindi ordinaryong problema ang kanilang kinahahahap.

Nandiyan ang kamatayan, ang gutom, ang kawalan ng anoman para mabu-hay, ang kawalan ng kinabukasan at marami pang iba.

Sa ganyan nilang kalagayan ating iniuugnay ang ating salita na marami tayong gagawin.

SA HINDI NABAHA

Masuwerte ang mga hindi nabaha.

Marahil, bilang pasasalamat sa Maykapal sa pagliligtas sa atin sa baha, tingnan natin kung ano ang ating maitutulong sa iba.

May ilan tayong kaibigan na bagama’t isang kahig, isang tuka lang ang turing sa kanilang mga sarili, minabuti nilang magbuklat ng kanilang mga saradong aparador.

‘Yun pala, mayroon ng pinaglakihang mga damit ng kanilang mga anak.

May mga sapatos at tsinelas.

May mga kaldero at gamit sa pagluluto.

‘Yung iba, nabulaga at mayroon pala silang nakalimutang kaunting ipon.

Alam ba ninyo ang kanilang ginawa?

Nangapitbahay sila at doon nila ipinamigay ang kanilang pasasalamat sa Panginoon.

MGA MAY KAYA

Meron ding ilang kaibigan at kakilala na nagbawas ng kanilang mga biyaya at itinatago.

May kusang bumili ng mga de lata at de plastik na makakain at inumin.

May nagbigay ng mga tsinelas, medyas, sapatos, bota at kapote.

May nagbigay ng mga damit at kumot.

‘Yung iba, binalikat ang upa ng sasakyan na maghatid sa mga evacuation center ng ayuda
ng iba.

Ganyan, mga Bro, ang nakita nating pagkilos ng mga may malasakit sa kapwa sa mga oras
ng kagipitan.

May magagawa tayo at walang maliit, walang malaki sa pagtulong sa ating kapwa.

MGA NAMATAY SA KALAMIDAD

Hindi pa tapos ang ating pagbibilang ng mga nadisgrasya hanggang sa mamatay kaugnay
ng habagat.

Malapit nang dumako sa bilang na 100 ang namamatay sa lunod, landslide, leptospirosis at iba pa.

Malaking problema ito, mga Bro, lalo na kung ang nasawi ang siyang sinasandigan ng isang pamilya.

Apektado ang araw-araw na buhay at kinabukasan ng pamilyang biktima rito.

Dito ay pupuwedeng tumulong ang mga punerarya.

Dapat na haluan ng awa at pagmamahal sa kapwa ang pagpepresyo ng serbisyo sa patay.

TAGA-AWTOPSIYA

Maging itong mga taga-awtopsiya ay hindi dapat na magsamantala sa mga nasa-sawi.

May nababalitaan kasi tayong mahal na maningil na mga nag-a-awtopsiya.

Magandang bawasan ng mga tarantadong ito ang kanilang mga katarantaduhan na natutuwang may naaawtopsiya sila para sila kumita.

PAMPUBLIKONG OSPITAL

May mga isinusugod na maysakit at naghihingalo sa mga pampublikong ospital.

Marami ang hindi nagagamot dahil dumaraan ang mga ito sa mga pagsusuri na puro may bayad na pala.

Hindi nakararating sa dapat na gamutan ang mga may sakit dahil sa kakulangan ng mga test na dapat isagawa sa kanila.

Eh, ang mamahal ng mga yan gaya ng x-ray, ultrasound at iba pa.

Nakapagtataka rin na la-ging wala o kulang sa gamot ang mga ito.

Ito’y kahit na maraming senador at kongresman, kabilang na ang mga partylist,  ang naglalaan ng pondo sa mga ito.

Pero magtataka ka rin kung bakit may pharmacy na, may employees pharmacy pa ang mga ito.

Laging walang gamot sa pharmacy ng mga ospital at doon ka sa employees pharmacy ituturo na bumili ng gamot.

Pero mas maraming doktor  ang magtuturo sa iyo sa mga botika sa labas para doon ka bumili ng kinakailangan mong gamot.

Anak ng tokwa.

PRIBADONG OSPITAL

Wala namang pagbabago ang singil ng mga doktor at ospital na mga pribado sa ipinapasok sa kanila na pasyente.

Iba ang bayad sa doktor at iba ang sa ospital dito.

Habang may kalamidad, parang lalong natutuwa ang marami sa mga ito.

Parang piyesta sa kanila.

Piyesta dahil nangangahulugan ito ng paglago ng laman ng kanilang mga bulsa.

Pag nagkamali ang nagbubuhat sa iyo ng pinuntahang pintuan at naipasok ka niya sa private hospital, hindi ka mamamatay dahil sa iyong sakit na may kaugnayan sa baha kundi sa atake sa puso sa mahal ng singil ng mga doktor at ospital.

Bibihira pa riyan ang promissory note.

Kung wala kang maipambili ng gamot at pambayad sa pasilidad, pabibilhin ka na sa labas o ililipat ka na lang sa ibang ospital.

MAKIALAM ANG PAMAHALAAN

Sa mga private hospital, luha na lamang at sumpa ang magagawa ng mga kinakalamidad.

Luluha ka sa pang-aagaw ng mga ospital at doktor ng iyong kakainin at iba pang pangangailangan. Bibihira ang mga doktor at ospital na magbibigay sa iyo ng luwag.

Basta may rate ang serbisyo ng doktor at mayroon ding sariling rate ang ospital.

Sa mga pampublikong ospital, talaga naman na yang kakulangan sa doktor, gamot at privatized na pasilidad ang magpapaluha at magpapamura sa iyo hanggang isumpa mo na lang ang iyong buhay o ang gobyerno mismo.

Ganyan katindi ang nagaganap at lalong sumasama sa oras ng kalamidad.

Dito na dapat makialam ang pamahalaan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply