‘Igme’ lumakas pa; may kasunod pang isa

MABAGAL at lalo pang lumakas ang bagyong Igme habang nasa hilagang silangan ng Luzon, ito ang pahayag ng PAGASA.

Ayon sa PAGASA, may lakas ito ng hanging 105 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may bugso ng hanging aabot sa 135 kilometro bawat oras, pahilaga ngunit mabagal sa pitong kilometro bawat oras.

Natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 280 kilometro sa silangan ng Aparri, Cagayan.

Nakataas pa rin ang signal number one sa Isabela at Cagayan at inaasahang pag-iibayuhin nito ang hanging Habagat, kaya magiging maulan partikular sa Pangasinan, Zambales, Bataan at Mindoro.

Gayunman, hindi umano maaapektuhan ng bagyo ang Masbate, partikular ang lugar na kinabagsakan ng eroplanong sinakyan ni
Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.

Samantala, isa pang bagyo ang nabuo sa silangan ng Pilipinas ayon sa ulat ng Japan Meteorological Agency (JMA).

May lakas umano itong 55 kilometro bawat oras at umuusad patungong hilaga hilagang kanluran sa bilis na 13 kilometro bawat oras habang tinutumbok ang pagitan ng Taiwan at Japan.

Posible umanong hindi ito direktang tatama sa Pilipinas ngunit maaaring muling pag-iibayuhin nito ang Habagat na siyang magpapaulan sa Luzon at Metro Manila.

Muli namang nagbabala si Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje sa mga pamilyang naapektuhan ng katatapos na baha na maging mapagbantay kapag may bagyo.

Aniya, dahil sa pagbabago ng klima ay lumakas na ang mga bagyo ay dumami rin ang tubig na ibinabagsak ng kalangitan.

Magiging permanente na umano ito dahil hindi mapipigilan ang pagbabago ng klima.

Ang tanging magagawa umano ng tao ay maging maingat at mapagbantay habang hindi pa nakahahanap ng solusyon ang gobyerno upang maagapan ang mga pagbaha.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply